Plano ni Palawan Third District Representative Edward Hagedorn na magpasa ng isang batas para mapalakas ang pag-angkin ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea (WPS).
Ayon sa mambabatas, noong idineklara ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS) na sakop ng Pilipinas ang WPS, wala namang malaking ginawa ang pamahalaan para mapalakas ang pag-angkin sa lugar. Nalaman rin aniya na sumobra na sa 200-nautical miles Exclusive Economic Zone (EEZ) ang bansang China at hindi ito mapigilan ng gobyerno kaya baka magising na lamang aniya ang mga Pilipino na nasa harapan na ang China.
Humingi na rin aniya siya kay Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio ng payo at maging sa environmental lawyer na si Atty. Antonio Oposa Jr. para sa pagsasaayos ng binabalangkas na panukalang batas.
“Napagkasunduan namin, ideklara natin ‘yong ating area, dineklara ng UNCLOS na sa atin, na isang protected area para sa ganun talagang mapalakas natin ang pag-akin natin kasi atin yan” saad pa niya.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Vince Cesista, Legal Counsel ni Hagedorn na plano nilang gawing protected area ito na nakasaad sa National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act na may depinisyon na ang mga lugar na may ‘unique physical o biological significance ay itinututuring na isang ‘protected area’. Hindi rin aniya sila magiging padalos-dalos at kanilang pag-iisipan nang husto ang gagawing batas dahil kapag naideklarang protected area ang isang lugar ay kailangang magkaroon ng Management Board dahil hindi basta-basta makakapasok rito at dapat mayroong plano kung paano ito pangangalagaan.
Matatandaang noong July 12, 2016, ang international tribunal sa Hague, Netherlands ang naglabas ng 479-page decision kung saan kinikilala ang ‘sovereign rights’ ng Pilipinas sa loob ng EEZ, at pinawalang bisa nito ang pag-angkin ng bansang Tsina. (MCE/PIA MIMAROPA)