Ipinag-utos na ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ng bayan ng Romblon, Romblon ang pagpapatupad ng pre-emptive evacuation sa kanilang lugar.
Sa pirmadong kautusan ni MDRRMO Ceasar Malaya, pinapayuhan nito ang lahat ng BDRRMC na magpatupad na ng maagang pre-emptive evacuation sa mga lugar na posibleng bahain, magkaroon ng landslide, at posibleng maapektuhan ng storm surge.
Sinabi naman ni Romblon Mayor Gerard Montojo, nang makapanayam ng Romblon News Network, na alinsunod ito sa Charlie Protocol ng RDRRMC Mimaropa dahil ang Romblon ay high risk dahil sa bagyo.
Samantala, nagpapatupad na rin sa buong bayan ng Romblon ng “No Sail” policy para sa lahat ng sasakyang pandagat.
Ayon kay Montojo, nag-iikot na ang kanilang MDRRMO para maikalat ang kautusan.