Nagsagawa kamakailan ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ng Information, Education, and Communication (IEC) Campaign at oryentasyon hinggil sa “Impact of Plastic Straw (tie-ties) to the Philippine Seaweed Industry” sa Green Island, Tumarbong, Roxas, Palawan.
Noong nakaraang taon, hinagupit ang naturang isla ng Bagyong “Odette” kung saan naapektuhan ang kabuhayan partikular ng mga mangingisda at seaweed farmers ng halos 2,500 na mamamayan ng naturang lugar. Isa ang aktibidad na ito sa nakikitang paraan ng naturang ahensiya upang muling pasiglahin ang seaweed farming sa naturang lugar.
Layunin din ng naturang gawain na ipaalam sa mga seaweed farmers ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malinis, presentable at maayos na raw dried seaweeds upang madaling iangkat ang mga ito sa pandaigdigang merkado na siya namang gagamitin bilang sangkap sa iba’t-ibang produkto gaya ng pagkain, medisina, at iba pang gamit pang industriya.
Kaalinsabay ng naturang gawain ang pagkakaloob ng “Lecture on Financial Literacy” sa mahigit 100 seaweed farmers at mga miyembro ng kooperatiba na dumalo sa naturang gawain.
Ang IEC campaign ay pinangunahan ni BFAR Seaweed Development Program Coordinator Demosthenes Togonon, at sa pakikipagtuwang ng BFAR-MIMAROPA sa Pamahalaang Bayan ng Roxas, Palawan. (JJGS/PIA-MIMAROPA)