Ang sakit na Breast Cancer ay madalas na sa babae tumatama ngunit posibleng magkaroon rin nito ang mga lalaki. Ito ang ibinahagi ni Dr. Lino Marcus Viola III ng Provincial Health Office, nang dumalo sa Kapihan sa PIA Romblon nitong ika-12 ng Oktubre.
Ayon sa Doctor, bagamat rare ito, posible parin lalo na kung isa sa mga miyembro ng inyong pamilya ay may cancer rin.
Ang sintomas ng breast cancer sa lalaki ay walang pagkakaiba sa babae gaya ng nipple retraction at bukol.
Kung sakaling merong sintomas ng breast cancer lalo na kung may makapang bukol sa dibdib, sinabi ni Dr. Viola na agad pumunta sa pinakamalapit na ospital o Health Center para magpatingin.
Batay sa impormasyon mula sa Centers for Disease Control and Prevention ng Estados Unidos, tanging 1 sa bawat 100 na lalaki ang posibleng tamaan ng breast cancer o katumbas ng 1%.