Inalala ng mga buhay na saksi ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig ang nangyaring sagupaan ng Japan at Amerika sa Sibuyan Sea noong 1944.
Kasabay ng 78th Commemoration ng Battle of the Sibuyan Sea, ipinakilala ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan ang ilang residente nilang nakasaksi mismo sa digmaan.
Isa-isa nilang ikweninto sa pamamagitan ng documentary na ginawa ng Cajidiocan Public Information Office ang kanilang naranasan sa gyera hanggang sa paglubog ng mga malalaking barko at eroplanong pandigma.
Kwento ni Carmencita Porras, 83, nasa taas umano siya ng bundok nang mangyari ang gyera at nang bumbahin ang barkong Musashi ng Japan.
Noong nasa isla na ng Sibuyan ang mga sundalong Hapon at Amerikano, sinabi ni Porras na hindi naman umano sila ginugulo at sinasaktan ng mga ito noong dumadaan sa lugar malapit sa kanila.
“Hindi naman kami naka-experience na nanakit sila. Binubuhat nga kami nila kasi bata pa kami noon,” pahayag ni Porras.
Kwento naman ni Rosario Capistrano, 92, sa halip umano na mag-evacuate siya sa bundok noong panahon ng digmaan, dumiretso siya sa dagat at pinanood ang digmaan.
“Napakaraming barko, may mga lumubog. Ang dami ring eroplano, may double body (twin-fuselage aircraft) na nagsibagsakan,” pahayag nito.
“Madami sa pamilya namin ang nag evacuate, pero ‘yun, wala naman palang ginagawa [sa mga locals ang mga sundalo]. Ang mapuntahan lang nila na bahay, hinihingian nila ng pagkain,” kwento naman ni Virginia Manes, 85.
Ang pamilya naman ni Niserita Gutierrez, 91, ay tumago sa bundok noong panahon ng giyera dahil sa takot umano ng kanilang ama sa mga sundalong Hapon.
“Aming kinakain doon sa bundok, sa kweba, nilagang dahon ng gabi. Sobrang pait ng aming buhay noon, pero hindi naman kami namatay. Hindi kami makalabas noon kasi may bantay na sibilyan,” kuwento ni Gutierrez.
Ang Commemoration ng Battle of the Sibuyan Sea ay taunang pinagdiriwang bilang paggunita sa mga nangyari noong panahon ng ikalawang digmaang pandaigdig kung saan nagpamalas ng kagitingan noong 1944 ang mga sundalong Amerikano at Pilipino laban sa mga Hapon na nagkaroon ng matinding sagupaan sa Sibuyan Sea.
Bilang pagpapahalaga ng lokal na pamahalaan ng Cajidiocan sa mga alalang naikwento ng mga buhay na saksi ng digmaan, inaasahang magtatayo ang LGU ng Battle of Sibuyan Sea Memorial Shrine sa kanilang lugar.