Punuan na ang akomodasyon sa Puerto Princesa City para sa petsang November 10-14, 2022 dahil sa 70.3 Ironman Philippines, ang international triathlon event. Ito ang kinumpirma ni City Tourism Officer Demetrio “Toto” Alvior sa Kapihan sa PIA na ginanap sa SM City Puerto Princesa noong October 12, 2022.
Ayon sa kaniya, bagamat nasa 1200 lamang ang partisipante sa international triathlon event na ito ay apat na doble ang bilang ng pupunta sa siyudad dahil may mga kasama naman ang bawat partisipante. Bukod aniya sa walong hotel na kanilang inilaan ay punuan na rin ang iba pang hotel kaya pahirapan na ang pagkuha ng akomodasyon.
“Kagandahan din nakuha natin ngayon maghost ng Ironman [Philippines] ngayong November 13, yan ay isang international event na malaki ang maitutulong sa ekonomiya ng Puerto Princesa, bagamat ang mga participante ang minimum na target natin ay 1200 pero ta-times three, times four yan kaya ang mga accommodation ngayon dito sa Puerto Princesa sa date ng November 10 hanggang 14 ay halos fully booked na, mahirap na kumuha, kaya epekto na ‘yon ng ironman” saad pa niya.
Kabilang sa magiging palaro ay ang single-loop 1.9Km swim sa Puerto Princesa Baywalk, three-loop 90 Km Bike race mula sa Baywalk hanggang sa Iwahig Bridge at gayundin ang two-loop 21Km run na ang magiging finish line ay ang track ng oval sa Ramon V. Mitra Sports Complex. Sa ngayon, puspusan na ang ginagawang paghahanda ng Pamahalaang Panlunsod ng Puerto Princesa hinggil dito. (MCE/PIA MIMAROPA)