Ngayong Breast Cancer Awareness Month, patuloy na kinakampanya ng mga eksperto sa medisina ang maagang detection ng breast cancer para maiwasan ang pagkalat nito at magkaroon ng malubhang komplikasyon.
Sa Kapihan sa PIA Romblon na dinaluhan ni Dr. Lino Marcus Viola III ng Provincial Health Office, sinabi nito na ang breast self-exam ang pinakamabisang paraan upang madetect ang sakit lalo na sa Romblon na isla-isla ang layo sa mga ospital at espesyalista.
“Pinakakaraniwan talagang sakit sa mga babae ay itong breast cancer na usually nagsisimula sa maliit na bukol na minsan ay napapawalang bahala, hanggang sa lumipas ang ilang taon, lumaki at kumalat, ‘yun na pala ‘yung breast cancer,” pahayag ng Doctor.
“Ang pagtingin sa sariling dibdib pagkatapos maligo, araw-araw, ay makakatulong sa early detection sa sakit,” dagdag pa ng Doctor.
Payo ni Dr. Viola, kung may makapa na bukol sa dibdib, agad na magpakunsolta sa pinakamalapit ospital sa kanilang lugar. Bagamat hindi lahat ng bukol sa dibdib ay cancerous, mainam na umano na natitingnan ng mga espesyalista para makasigurado.
May mga pagkakataon rin umanong walang nakakapang bukol ang pasyenteng may breast cancer pero may mararamdaman umano itong sintomas gaya ng nipple retraction.
“Maaring wala pang nakakapa, pero kung may ganitong senyales na [nipple retraction], ay magpa-checkup na. Ang tanong ay, bakit umatras yan? Bakit may movement yan? Kung ganun, mainam na magpatingin,” payo ng Doctor.
Ang pag-iwas sa ilang nakasanayang habits ay maaring makatulong para hindi magkaroon ng breast cancer.
Ayon kay Dr. Viola, ang pagiwas sa mga bisyo gaya ng sigarilyo, vape, at alcohol ay makakatulong para hindi tamaan ng sakit.
Ang regular rin na pag-ehersisyo, pagkain ng prutas gaya ng grapes ay makakatulong rin para makaiwas rito.
Sinabi ng Provincial Health Officer na bukas ang lahat ng ospital ng probinsya maging ang mga Rural Health Unit para sa mga gustong magpakonsulta patungkol sa bukol na kanilang nakapang bukol lalo na ngayong Breast Cancer Awareness Month.