Inilunsad kamakailan ng Agriculture Training Institute (ATI) MIMAROPA ang Lanuton Agricultural Farm bilang kauna-unahang Learning Site for Agriculture (LSA) na kalaunan ay magiging Farmers Information and Technology Services (FITS) Kiosk sa rehiyon ng Mimaropa partikular sa Barangay Tan-Agan, San Andres, Romblon.
Ang FITS Kiosk ay isa sa mga isinusulong ng Techno Gabay Program na pinamamahalaan ng ATI. Naglalayon ang Kiosk na palawigin ang mga serbisyong ipinagkakaloob ng naturang ahensiya. Kabilang na rito ang pagkakaloob ng mga Information, Education and Communication (IEC) materials at mga kasanayan hinggil sa mga pinakahuling impormasyon sa sektor ng agrikultura; maaaring makakuha ng serbisyo ang mga magsasaka maging ang mga kabataan na nais madagdagan ang kaalaman at kasanayan sa pagsasaka.
Ayon kay Lanuton Farm owner Neil Yap, ang ganitong uri ng mga programa ay hindi lamang makatutulong upang higit na umunlad ang kanilang sakahan; makatutulong din anila ito na mahubog pa at maitaas ang kamalayan ng mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng agrikultura sa buhay ng mga ito. Hindi rin aniya natatapos ang kaniyang pagpupurisigi upang maiangat ang kalidad ng pagsasaka sa kanilang lugar sa pamamagitan ng pag suporta sa mga programa at proyekto ng ahensiya sa hinaharap.
Dinaluhan ang naturang aktibidad ng mga kinatawan mula sa Lokal ng Pamahalaan at ng ATI-Mimaropa.
Ilan lamang sa naging tampok sa naturang aktibidad ay ang pagbibigay tagubilin sa mga responsibilidad at tungkulin ng isang LSA Cooperator na nakakasakop sa FITS Kiosk. Nagkaroon din ng ribbon-cutting ng naturang FITS Kiosk at ang pagkakaloob ng pinansiyal na tulong na nagkakahalaga ng P50,000.00 sa may ari ng Lanuton Agricultural Farm.