Magkakatuwang na pinagpulungan at inaprubahan ng iba’t-ibang ahensiya ang dalawang resolusyon na magsusulong ng karapatan, kagalingan, at kaligtasan ng mga Child Labor Workers sa Mimaropa sa isinagawang 2nd Regional Council Against Child Labor (RCACL) Quarterly Meeting sa Filipiniana Hotel, Calapan City, Oriental Mindoro noong Oktubre 21.
Pinangunahan nina Department of Labor and Employment (DOLE)-Mimaropa Regional Director Naomi Lyn Abellana ang naturang gawain kasama si Technical Support Services Division (TSSD) Chief Philip Ruga kung saan inimbitahan ang iba’t-ibang ahensiya upang talakayin at bigyang linaw ang mga napagpulungan hinggil sa isinagawang 1st RCACL sa Puerto Galera noong Hulyo 14. Gayundin, binalangkas din ang ang nilalaman ng Resolution No. 2, Series of 2022 “A Resolution to Include the Sectoral Representatives as Members of Regional Council Against Child Labor (RCACL) in MIMAROPA.”
Matapos aprubahan ang Resolution No. 2 sa mosyon ng kinatawan ng mga miyembro ng Regional Council, tinalakay naman ang nilalaman ng Resolution No. 3, Series of 2022 “A Resolution on Data Collaboration for All the members of Regional Council Against Child Labor (RCACL) in MIMAROPA.” Sang-ayon sa Section 24, Article II ng 1987 Consitution, kinikilala ng estado ang kahalagahan ng komunikasyon at tamang impormasyon sa pagpapaunlad ng isang bansa. Binigyang pansin din ang kahalagahan ng pananatiling pribado ng makakalap na impormasyon ng mga kabataan na sumasailalim sa Child Labor sa pamamagitan ng Referral Letter ng ahensiya. Kung kaya sa pamamagitan ng Republic Act No. 10173, o mas kilala sa “Data Privacy Act of 2012” pangangalagaan ang anumang ibahagi na impormasyon hinggil sa mga child labor workers sa mga ahensiya habang isinisiguro na magagamapanan ang tamang pagpapadaloy nito sa ikauunlad ng estado ng buhay ng mga naturang kabataan.
Matapos mapagkasunduan ang lahat ng tamang rebisyon at nilalaman ng Resolution No. 3; tinalakay naman ang ilan sa napagtagumpayan ng DOLE-Mimaropa hinggil sa Child Labor Prevention/Elimination Program (CLPEP) simula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon. Tinalakay dito ang ilan sa mga programa at proyekto ng naturang ahensiya na nakatulong sa mahigit na 8,000 na Child Labor Workers na natukoy sa rehiyon. Karamihan sa mga Child Laborers na natukoy ay mula sa sector ng pagsasaka, pangingisda, konstruksyon, pagtitinda sa kalsada, quarrying, pagtotroso at aquaculture. Lahat ng mga ito ay itinuturing na delikadong uri ng trabaho para sa mga murang edad na trabahante.
Nagtapos ang pagpupulong sa pamamgitan ng pagtalakay sa mga tungkulin at responsibilidad ng RCACL. Kabilang sa dumalo sa naturang pagpupulong ay ang mga hepe at kinatawan ng mga ahensiya at pribadong sektor mula Stairway Foundation Inc.; ORMECO Inc., Philippine National Police-Mimaropa Regional Office, National Commission on Indigenous People (NCIP), Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Environmental and Natural Resources (DENR), Philippine Information Agency (PIA)-Mimaropa, Regional Prosecutor Region IV, Department of Agriculture (DA), Department of Health (DOH), Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Education (DepEd), at Department of Social Welfare Development (DSWD) at mga DOLE Field Offices sa rehiyon. (JJGS/PIA-MIMAROPA)