Naibalik na sa maayos na mukha ang nag-iisang Gabaldon School Building sa probinsya ng Romblon na pinaayos ng Department of Education (DepEd).
Pormal na itong na iturn-over ng Sim Construction, Trading and Services sa pamunuan ng Romblon West Central School nitong ika-7 ng Oktubre.
Ang Gabaldon School Building sa Romblon West Central School ay itinayo noon pang 1923 sa panahon ng American colonial era. Taong 2018 nang simulan ang restoration nito matapos pondohan ng halos P31-million pesos ng DepEd at natapos noong taong 2021.
Sa panayam ng Romblon News Network kay Joseph Menorca, principal sa Romblon West Central School, sinabi nito na malaking bagay na magagamit na ng paaralan ang nasabing gusali dahil simula 2018 ay nagkakaroon ng shifting ng klase dahil sa kakulangan ng silid-aralan.
“Sabi ko, ito ang problema sa division ng Romblon, ang classroom shortage, pero nandito na ang solusyon sa problema namin,” pahayag ni Menorca.
“Masayang-masaya ang mga magulang, ang mga teachers, sa totoo nga sir, may teacher’s day ngayong araw pero mas pinili namin itong event na ito,” dagdag pa ni Menorca.
Ngayong taon, may 674 na estudyante ang kasalukuyang naka-enroll sa Romblon West Central School.
Ang pagpapanumbalik sa pangangalaga sa mga Gabaldon School Buildings ay alinsunod sa Republic Act No. 11194 o Gabaldon School Buildings Conservation Act.
Sinaksihan ang turn-over ceremony nina Romblon Governor Jose Riano, Sim Construction, Trading and Services General Manager Jim Sim, at Romblon West Central School principal Joseph Menorca.