‘Good government’ o maayos na gobyerno ang nais ni Gobernador Victorino Dennis M. Socrates sa kanyang panunungkulan.
Ito ang tinuran ng gobernador sa kanyang kauna-unahang State of the Province Address (SOPA) na isinagawa nitong Oktubre 18, 2022 sa Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan ng Palawan.
Ipinaliwanag ng gobernador na ang ibig sabihin ng ‘good government’ ay ‘we want to make the system work’.
“Masarap namnamin ang mga kataga ng Panunumpa sa Katungkulang binigkas ng lahat nating mga halal na opisyal noong nakaraang June 30. Tutuparin ko nang buong husay at katapatan ang mga tungkulin ng aking kasalukuyang katungkulan at ng mga iba pang pagkaraan nito’y gagampanan ko sa ilalim ng batas. Kaya nga, kung ang hinahanap natin ay ‘good government,’ ang kailangan lamang ay sikaping paganahin, paandarin, isakatuparan ang ating sistema ng pamahalaan, We want to make the system work,” ang pahayag ng gobernador.
Dagdagan na lang aniya ito ng pinakamahahalagang sangkap na Transparency (hayag ang mga deliberasyon at pagkilos ng pamahalaan), Accountability (ipaliwanag ang mga pagpapasya at pagkilos), Rule of Law (sinusunod ang Batas, sapagkat “ours is a government of laws, not of men”), at Partisipasyon (kasali ang nakararaming mamamayan sa pagbabalangkas at pagsusuri sa mga landas na maaaring tahakin bilang sambayanan).
Ayon pa sa gobernador, kung tutuusin nakasulat na sa batas ang halos lahat ng dapat gawin ng lokal na pamahalaan, ang kailangan lamang ay sikaping ito ay magampanan.
Sa pagpapatuloy ng kanyang ulat sa bayan, unang pinagtuunan nito ang paghilom. Sabi ng gobernador, naging matagumpay ang Usapang Palawan Summit na ipinangako nito noong siya ay nangangampaya pa lamang. Sa pamamagitan nito ay nagkaroon aniya ng malalimang paghilom ng anumang hidwaan o sugat ng kaloobang dulot ng pagkakahati-hati ng mga Palawenyo bilang sambayanan sa nagdaang halalan.
Ayon pa sa gobernador, bagama’t bumaba ang kabuuan ng budget allocation ng Palawan para sa taong 2023 na nasa P4.29B na lamang ay pagtutuunan pa rin nito ang edukasyon, kalusugan, mga proyektong pang-imprastruktura, Local Disaster Risk Reduction and Management, sweldo ng mga empleyado at maging ang paglalaan ng pondo para sa mga pagbabayad ng pagkakautang ng pamahalaang panlalawigan.
Ang pagbaba aniya ng pondo ng lalawigan ng Palawan ay dahil sa pandemya at pagliit o pag-atras ng pambansang ekonomiya noong 2020, kung kaya’t ang National Tax Allocation (NTA) (dating Internal Revenue Allotment o IRA) para sa budget year 2023 ay P3.7B na lamang.
Ipinaliwanag din nito na ayon sa Section 287 ng Local Government Code, 20% ng NTA ay dapat ilaan sa mga proyektong pang-imprastraktura, sa ilalim ng tinatawag na 20% Development Fund.
Ayon din aniya sa Section 21 ng Disaster Risk Reduction and Management of 2010 o RA 10121, limang porsyento ng budget ng LGU ay dapat ilaan para sa Local Disaster Risk Reduction and Management Fund o LDRRMF.
Prayoridad rin ng administrasyon ni Gob. Socrates ang patakbuhin ng maayos ang mga ospital na naipatayo ng nakaraang administrasyon. Sa kasalukuyan ay mayroon 16 na mga ospital ang pinangangasiwaan ng pamahalaang panlalawigan kung saan ang apat dito ay gumagana na bilang ospital, samantalang ang 12 ay kulang pa sa mga medical personnel at kagamitan.
Pinasalamatan naman ng gobernador si Palawan State University (PSU) President Ramon Docto sa pagsisikap nitong maitatag ang College of Medicine. Kaugnay nito ay tuloy-tuloy ang paglaan ng pamahalaang panlalawigan ng P50 million taun-taon para sa scholarship ng mga mag-aaral ng medisina at mga kursong pangkalusugan.
Sa kabuuan ay naging maayos at matiwasay ang SOPA ni Gobernador Socrates na dinaluhan ng mga hepe ng iba’t-ibang ahensiyang nasyunal, mga representante mula sa Civil Society Organization (CSO), mga department heads ng pamahalaang panlalawigan ng Palawan, media, academe, miyembro ng Sangguniang Panlalawigan at mga Alkalde ng mga munisipyo sa lalawigan. (OCJ/PIA-MIMAROPA)