Sumuko ang dalawang babaeng dating miyembro ng New Peoples Army (NPA) sa Puerto Princesa City Police Office noong Oktubre 18, sa Sitio Inonokan, Brgy. Concepcion, Puerto Princeaa City.
Batay sa spot report na nakuha ng PIA Palawan mula sa PPCPO, nakasaad na ang mga sumukong amazona ay nakilalang sina alyas Ka Tes, walang asawa, self-employed at Ka Raffy/Ka Heron/Ka Lovely, may asawa, na pawang mga residente Brgy. Concepcion, Puerto Princesa City. Si Ka Tes umano ay dating squad member noong taong 1997 habang si Ka Lovely naman ay na-recruit noong taong 1999 at parehong naging full time member ng NPA noong taong 2000.
Ang dalawa ay na-Balikloobrecruit ng teroristang si Gilbert Silagan o Ka Glen/Ka Marlon sa ilalim ng Bonifacio Magramo o Ka Boywan/Ka Abwan/Ka Nato command. Sumuko ang dalawa sa inisyatibo ng City Mobile Force Company Intel Operatives at CMFC 3rd Platoon sa ilalim ng superbisyon ni PLTCOL Victor Lacwasan kasama ang iba pang unit ng PNP sa koordinasyon sa Kapatiran ng Dating Rebelde (KADRE) Palawan. Sa ngayon ay nasa kustodiya ng PPCPO ang dalawa at pinoproseso na para makasama sa programa ng pamahalaan na E-CLIP.
Samantala, sa parehong araw na narekober rin ang PPCPO ng dalawang Improvised Anti-Personnel Landmine, isang riffle grenade (RG), mga uniporme at ibang mahahalagang dokumento ng teroristang grupo sa Sitio Irish,Brgy. Binduyan, Puerto Princesa City.
Nakuha ang mga ito sa sumbong ng isang dating rebelde at sa inisyatibo ng CMFC Intel Operatives. Sa ngayon ay itinurnover na sa Explosive Ordinance Disposal and Caninae Unit (CECU PPC) ang mga kagamitan para sa kaukulang disposisyon. (MCE/PIA MIMAROPA)