Nabawasan ng mahigit isandaan ang bilang ng mga endangered na Tamaraw sa mga probinsya ng Oriental at Occidental Mindoro, ito ay batay sa datus ng Oriental Mindoro Environment and Natural Resources Office.
Ayon kay ENRO Mike Jumig, noong 2018 ay may 524 na bilang ang mga nakikita nilang Tamaraw sa mga bundok ng Iglit, Baco, Calavite at Halcon ngunit ngayong 2022 ay bumaba na ito sa 403.
Ang pagkaunti sa bilang ng mga Tamaraw ay sa gitna ng paghihigpit ng pamahalaan sa pagpatay rito.
Ayon kay Jumig, ang pangangaso ang pangunahin paring dahilan kung bakit unti-unting nababawasan ang bilang ng mga Tamaraw noong nakalipas na taon kahit ipinagbabawal ang pag-akyat sa mga nabanggit na bundok dahil sa pandemya.
May ilan rin umanong namatay dahil sa ‘natural cause’ dahil sa maikling buhay ng mga Tamaraw na tumatagal lamang ng halos 15 na taon.
Ngayong Oktubre ay idineklarang National Tamaraw Month kung saan inoobserba ang pag protekta sa mga ito alinsunod sa Presidential Proclamation No.273 noong 2002.
Hinihikayat ng gobyerno ang publiko na makiisa sa pagprotekta at pagkonserba sa mga Tamaraw na tanging sa Pilipinas lamang makikita.