Umaabot na sa 415 na residente ng probinsya ng Romblon ang nabigyan ng ayuda ng Department of Trade and Industry sa pamamagitan ng kanilang mga programa.
Sa Kapihan sa PIA Romblon nitong weekend, sinabi ni DTI Romblon Provincial Director Noel Flores na aabot na katumbas na ito ng mahigit P3.4M na halaga ng naipamigay na mga gamit.
Ayon kay Flores, mga livelihood materials ang ibinibigay ng kanilang ahensya at hindi pera para masigurong magagamit ng mga benepisyaryo ng Livelihood Seeding Program – Negosyo Serbisyo Sa Barangay (LSP-NSB) at Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG).
Batay sa datus ng DTI Romblon, pinakamaraming nabigyan ay mga negosyanteng may Sari-Sari Store.
“Itong mga negosyo center natin sa bawat bayan ay hinahanap itong mga benepisyaryo natin lalo na ‘yung mga naapektuhan ng pandemya, tinutulungan natin sila. Sila ‘yung target beneficiaries natin,” pahayag ni Flores.
Dagdag pa ni Flores, tuloy-tuloy ang kanilang programang ito hanggang matapos ang taon at asahan pa na may ilang benepisyaryo pa ang makakatanggap ng ayuda ng DTI.