Aabot sa 1,993 na magsasaka mula sa 14 na munisipyo sa probinsya ng Romblon ang nakatanggap ng ayuda mula sa Department of Agriculture MIMAROPA.
Ayon sa DA Mimaropa, binigyan sila ng fertilizer discount voucer bilang tulong sa pangangailangan ng mga magsasaka at maibsan ang malaking gastusin sanhi ng pagtaas ng presyo ng mga abono.
Inikot ng DA Mimaropa ang bayan ng San Agustin, Calatrava, Ferrol, Alcantara, Sta. Maria, Romblon Romblon, Looc at Odiongan, San Fernando, Magdiwang, Cajidiocan, San Andres, Sta. Fe at San Jose, nitong nakaraang Setyembre para mamigay ng ayuda.
Paglilinaw ng DA, tanging mga kwalipikadong magsasaka na rehistrado sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture o RSBSA lamang ang nakapabilang sa mga magsasakang nakatanggap.
Pinangunahan ang pamamahagi ng Rice Program ng Department of Agriculture MIMAROPA kasama si Engr. Analiza A. Escarilla, Agricultural Program Coordinating Officer ng Romblon at ibang kawani mula sa Municipal Agriculture Office.
Ang mga voucher na ito ay para lamang sa isang beses na gamit at maaaring direktang i-claim mula sa mga awtorisadong merchant kapag ipinakita ang patunay na pagkakakilanlan.