Sumuko ang labintatlong (13) tagasuporta ng Communist party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa bayan ng Roxas, Palawan noong Setyembre 19. Ito ay dahil sa pinaigting na kampanya ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ayon kay Police Regional Office Mimaropa Director, Police Brigadier General Sidney S. Hernia, ang mga sumuko ay mga dating masang tagasuporta ng Communist Terrorist Group (CTG) na na-recruit sa pagitan ng Setyembre at Oktubre noong 2017.
Resulta rin aniya ito ng pagsisikap ng Joint Task Force Peacock (JTFP) sa ilalim ng JTG-North/Marine Battalion Landing Team-3 ng 3rd Marine Brigade (3MBde) kasama ang 3MCIC, MCIBn, MIG22, NISG-West, Regional Intelligence Unit 4B, PNP-IG, Palawan PPO Provincial Intelligence Unit, 2nd Provincial Mobile Force Company at Roxas Municipal Police Station sa pakikipagtulungan ng Local Government Unit ng Roxas at opisyal ng Barangay sa bayan ng Dumaran.
“Malakas na inihahayag ng tagumpay na ito na ang CPP/NPA ay kapansin-pansing humihina na dahil sa NTF-ELCAC (National Task Force to End Local Communist Armed Conflict” saad pa niya.
Dahil dito ay kaniyang hinihikayat ang mga patuloy pang nakikibaka na sumuko na para magkaroon ng maayos na buhay at mayroon pang suporta ng pamahalaan. Sa ngayon sila ay nasa kustodiya ng JTG-North/Marine Battalion Landing Team-3 para sa debriefing at tamang disposiyon. (MCE/PIA MIMAROPA)