Nagsasagawa ng serye ng Information Caravan sa lalawigan ng Palawan ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) South Luzon Regional Office (SLRO). Ito ay mula Agosto 30, 2022 hanggang Setyembre 2, 2022.
Nakatuon sa pangangalaga ng mga salapi, kapakinabangan at kahalagahan ng bagong polymer 1000 bill, ang Presidential Decree 247, coin recirculation at BSP-Consumer Assistance Mechanism ang isinasagawang information caravan ng BSP.
Ang grupo ng BSP na nagsasagawa ng nasabing aktibidad sa Palawan ay pinangunahan ni Acting Regional Director Alvin L. Bermido.
Sa kanyang mensahe sa isang information caravan na dinaluhan ng mga mamamahayag sa Lungsod ng Puerto Princesa, sinabi nito na ang BSP-SLRO ay bagong tatag na departamento ng Bangko Sentral ng Pilipinas na nagsimulang mag-operate nito lang Enero 2022, at ito rin ang kauna-unahang information caravan na kanilang inilunsad. Sakop nito ang mga probinsiya sa Mimaropa Region, Calabarzon at Region 5.
Sa nasabing aktibidad, ipinaliwanag naman ni Jose Roberto Almeda Jr., Senior Research Specialist, ang mga perang papel na may halaga pa, gayundin ang mga perang wala ng halaga at mga perang maaari pang mapalitan.
Ipinaliwanag din nito ang mga posibleng kaparusahan ng isang indibiduwal sa hindi wastong paggamit ng mga salaping papel at barya, tulad na lamang ng isinasaad ng Presidential Decree 247 at ng Republic Act 10951.
Tinuruan din ng BSP ang mga dumalo sa information caravan kung paano malalaman kung ang isang perang papel at barya ay tunay o peke.
Target naman ng grupo ng BSP na maabot ang iba pang sector upang magkaroon ang mga ito ng tamang kaalaman patungkol sa enhanced generation currency banknotes ng bansa.
Nanawagan din ang BSP sa lahat na ingatan ang mga salaping papel upang hindi ito magusot at maging madungis upang tumagal ang gamit o sirkulasyon nito.
Sinabi din ni BSP Acting Regional Director Bermido na inaasahang mapapaasinayaan na ang bagong gusali ng BSP na itinayo sa lungsod sa Disyembre 2022. Sa pamamagitan aniya nito ay mas mabilis nang mapalitan ang mga lumang perang papel na umiikot sa buong lalawigan. (OCJ/PIA-Mimaropa, Palawan)