Dumulog sa Odiongan police at kay Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic ang ilang nabiktima di umano ng isang investment scam na mismong sa Odionangan umano nagsimula.
Inirereklamo ng mga investor na ito si Margie Ann Manuel Fruelda na di umano ay binigyan nila ng mahigit 20-million pesos na pera nila bilang investment.
Kwento ng mga nabiktima na nakausap ng Romblon News Network, inimbeta umano sila ni Fruelda na mag-invest sa kanya ng pera at nangako na tutubo ng 30% hanggang 80% sa loob lamang ng ilang buwan.
Ang ilan sa mga nabiktima ay nagbigay umano ng mahigit P100,000 na pera kay Fruelda dahil sa pangakong babalik ito ng malaki.
Paliwanag ng mga nabiktima na tumangging ilahad ang kanilang pangalan, 2021 umano ay nakakapagbigay si Fruelda sa kanila ngunit pagpatak ng December 2021 ay tila nahihirapan na umano silang makakuha ng return hanggang sa tumigil ang pagbibigay ng returns noong Hunyo lamang ng kasalukuyang taon.
Sa paguusap nina Fruelda at ng mga investors noong September 3, hindi itinanggi ni Fruelda ang mga paratang na siya ay tumanggap ng pera ngunit ang nasabing pera umano ay hindi niya na hawak. Nangako ito na babayaran paunti-unti ang mga nagbigay ng capital ngunit hindi pumayag ang ilang biktima.
Batay sa pananaliksik ng Romblon News Network, may aabot sa mahigit 200 ang posibleng nabiktima at ang mga ito ay nagmula sa Romblon, Oriental Mindoro, at ilan pang bahagi ng bansa.
Tumangging magbigay ng pahayag si Fruelda sa Romblon News Network at sinabing hihingi muna ito ng opinyon sa abogado.
Samantala, prinoproseo na ng Odiongan Municipal Police Station ang reklamong nakuha nila mula sa mga nabiktima ni Fruelda.