Aabot na sa mahigit 1,941 na estudyante sa lalawigan ng Romblon ang nakatanggap na ng kanilang educational assistance mula sa Department of Social Welfare and Development sa unang dalawang Sabado pa lamang ng bigayan ng ayuda.
Ito ang iniulat ni OIC Gare Gaa ng DSWD-Romblon nang makapanayam ng Philippine Information Agency nitong Miyerkules.
Aniya, sa target nila na 2,218 na estudyante, 87% nito ay nabigyan na o 4,810,000 halaga ng cash assistance ang kanilang nailabas.
Ang mga estudyante na ito ay mula pa lamang sa mga bayan ng Odiongan, Ferrol, San Andres at Looc.
Ikinatuwa naman ng mga estuduyante ang programang ito ng DSWD.
Ayon kay Camille Fabon, malaking tulong umano para sa kanyang pang araw-araw na gastusin sa paaralan ang P4,000 na kanyang natanggap.
Maging ang estudyanteng si Nova Galiga ay nagpasalamat rin sa DSWD.
“Gagamitin ko po itong nakuha kong educational assistance mula sa DSWD para sa financial support sa family namin at pambili na rin ng mga gamit kasi magbabalik na ang face-to-face classes namin ngayong September,” pahayag ni Galiga.
Inaasahang sa susunod na mga Sabado ay pupunta sa iba pang bayan ang DSWD para mamahagi ng educational assistance.