Nagsanib pwersa ang Kabataan Kontra Droga at Terorismo (KKDAT) – Odiongan Chapter at ang dalawang kolehiyo ng Romblon State University para sa mga programang makakatulong sa mga estudyante na malayo sa droga at sa insurhensiya.
Sa ginanap na press conference ngayong araw sa pamantasan, sinabi ni Pastor Wenadel Joy Atilano, Municipal KKDAT President, na ang may mga programa na silang inilatag para sa phase 1 ng kanilang partnership ng College of Arts and Sciences (CAS) at Institute of Criminal Justice Education (ICJE).
Kabilang rito ang capability building sa mga estudyante ng dalawang kolehiyo patungkol sa mga ipinagbabawal na gamot. Magkakaroon rin ng mobile pantry sa mga nabanggit na kolehiyo.
Nangako naman ang mga dean na sina Dr. Poly Banagan ng ICJE at Dr. Mark Calimbo ng CAS na susuportahan nila ang mga programa ng KKDAT Odiongan at ng Odiongan Municipal Police Station.
“It was exciting because wala tayong masyadong gagawin kundi ituloy-tuloy lang ‘yung mga programa natin para ma-sustain ‘yung rank natin na drug-cleared province,” pahayag ni Dr. Calimbo.
“In support of KKDAT’s activities, and other activities of LGU Odiongan, na gusto nating magkaroon ng malawakang information dissemination about illegal drugs and anti-terrorism programs, the CAS, had launched our talent center. Gusto naming i-gather lahat ng talented students namin at i-train sila in various aspects para mas maging productive sila as member of our society,” dagdag ni Dr. Calimbo.
Isa lamang umano ito sa mga layunin ng partnership na ito ng KKDAT at ng RSU.
Samantala, ayon kay Dr. Augusto Tayo Jr. ng ICJE, bago pa man umano magkaroon ng partnership ang KKDAT at ang RSU ay meron na umano silang PEACE project o People Empowerment Against Crime thru Education project, na naglalayong mas paigtingin ang information dissemination ng iba’t ibang batas.
Sinabi rin ni Dr. Poly Banagan na nakikipag-ugnayan na rin sila sa iba pang munisipyo para sa iba’t iba nilang programa na makakatulong para mapanatili ang kapayapaan at para masigurong ligtas ang kanilang mga estudyante.
Dumalo rin sa nasabing press conference sina Police Major Francis Rey Manito ng Odiongan PNP, Engr. Reden Escarilla ng LGU Odiongan, John Roeder Lachica ng CAS, at kinatawan ng Department of the Interior and Local Government.