Dapat i-require ang mga contractor ng public projects na magbigay ng litrato ng kanilang ginagawang proyekto sa iba’t ibang level of completion bilang praktikal na hakbang laban sa katiwalian at para mapigilan ang “parking” ng pondo.
Ito ang giit ni Senador Alan Peter Cayetano sa isang media interview ngayong Huwebes, September 15, 2022, isang araw matapos niyang ipasabog sa Senate briefing sa proposed national budget ng Development Budget Coordination Committee (DBCC) ang “expanded fund parking scheme.”
“For me, like a practical solution lang, kailangan dapat lahat ng contractor ng DPWH (Department of Public Works and Highways) mag-submit ng litrato n’ung project zero percent, 50 percent,100 percent,” pahayag ni Cayetano sa isang panayam sa media noong Setyembre 15, 2022.
Hinimok din ng Senador ang DBCC na imbestigahan kung mayroon ngang sindikato sa likod ng illegal realignment ng bilyon-bilyong pisong pondo sa budget ng DPWH.
Sa kanyang media interview, inilantad ni Cayetano na inilipat ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno ang mga development projects tulad ng flood control, dredging, at asphalt road construction sa mga kanayunan na malayo sa mata ng publiko.
“N’ung araw kasi hindi naman nilalagyan ng malaking pera y’ung mga liblib ‘di ba? Eh ngayon dahil may rural development tayo, napansin ko any project na hindi mo nakikita, halimbawa flood control nasa ilalim ‘yan o kaya any project na malayo y’ung lugar walang internet, walang media, mas y’un po ang pinagkakakitaan,” sabi ng Senador.
“Y’un y’ung mga favorite na hindi nababantayan so we have to have a practical way na bantayan,” dagdag niya.
Ayon sa Senador, ang gawaing ito ay bahagi ng isang malakihang modus na tinatawag na “parking of funds” kung saan ilang miyembro ng Congress na may pinapaborang contractor ay makikipagsabwatan sa isa’t isa. Sa pagdaan ng panahon, naging mas masalimuot na ito.
“Maraming nagsusumbong sa akin lately na y’ung budget ng kanilang lugar ng distrito ay na-cut by between 25 to almost 90 percent. Ibig sabihin ang P10 billion naging P1 billion, ang P5 billion naging P1 billion, P2 billion naging P1.5 billion,” pahayag niya.
“Pero may lumalapit sa kanila, ‘Pare ibabalik namin ang project pero kami ang gagawa,’ o kaya, ‘Pare ibabalik namin y’ung pondo pero kami magsasabi kung anong project,’” dagdag niya.
Diin ni Cayetano, kailangan gumawa ng mga praktikal na solusyon ang gobyerno para mapigilan ang mga ito bago pa man mangyari, isolated man ang mga kaso o sabi-sabi lang ng ilang mga kongresista na masama ang loob dahil nabawasan ang pondo ng kanilang lugar.
Alam daw ng Senador na posibleng “magtago na sa lungga” ang mga gumagawa nito dahil sa kanyang pagsasalita tungkol dito, ngunit “prevention” aniya ang dapat unahin.
“Kung hinintay kong matuloy at saka upakan, may mahuhuli tayo pero nabulsa na y’ung pera. So ngayon, ginawa natin nang maaga, kumbaga binulabog natin,” pahayag niya.
“Ang kailangan natin, mapigilan sa umpisa pa lang. Ipakita natin sa kanila that crime does not pay,” dagdag niya.
Umaasa si Cayetano na iimbestigahan ito ni DPWH Secretary Manuel Bonoan.
“Bawat bagong administrasyon talaga may nagte-testing eh. Kaya nga napakaimportante na ngayon na umpisa pa lang ng administrasyon, tulungan natin ang administrasyon na wala tayong mapapalusot na schemes, scam, o attempt,” aniya.