Walang nawawalang bata sa lalawigan ng Romblon.
Ito ang sinuguro ng Romblon Police Provincial Office sa pamumuno ni Col. Jonathan Paguio, kasunod ng pagkalat sa social media ng isang post na may nawawalang bata sa Barangay Bachawan sa San Agustin, Romblon.
Ayon kay Police Major Edwin Bautista, Public Information Office ng Romblon PPO, nakipag-ugnayan na sila sa Barangay at San Agustin Municipal Police Station at ayon sa mga ito ay walang katotohanan ang nabanggit na post.
Iniimbestigahan na rin umano ito ng kapulisan.
Ayon kay Bautista, maraming nagkalat sa social media na mga posts ng kung ano-ano kaya dapat umanong sigurudahuin ng publiko bago i-share kung ito ba ay lehitimo o galing sa trusted sources.
“Sana ‘yung publiko ay mag-ingat, mapanuri kung yan ba ay legit at legal, dapat sa mga trusted sources lang,” ayon kay Bautista.
“Ang mga nagpapakalat ng ganyang mga pekeng balita ay may kaso yan, cybercrime yan, kasi ginagamit nila yung cyberspace,” sagot ni Bautista kung may puwedeng kaharaping kaso ang nagpakalat ng pekeng impormasyon na ito.