Nauwi sa tulukan at siksikan ang pamimigay ng educational cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong August 27 sa Odiongan Public Plaza.
Bago tumanggap ang DSWD ng mga tao sa loob ng plaza ay nagkaroon muna ng tulukan at halos magdikit na ang mga mukha ng mahigit 2,000 na nakapila sa labas para lang makakuha ng slot.
Ang ilang nakapila ay nawalan ng malay at kinailangang itawid ng mga bakod para lang maipasok sa loob ng plaza at mabigyan ng first aid ng Odiongan First Aiders.
Isinugod naman ang ilan sa Romblon Provincial Hospital matapos makaramdam ng paninikip ng dibdib at mahirapang makahinga.
Sa taya ng Romblon News Network, may mahigit 20 katao ang nahimatay at nahirapan huminga sa kalagitnaan ng siksikan sa lugar.
Nasa 6:30 na ng umaga ng tuluyan ng buksan ang gate ng plaza para makapasok ang lahat ngunit hindi na rin sila makakakuha ng ayuda dahil wala na silang nakuhang slot na pinamimigay ng DSWD.
Ayon sa DSWD, may 458 na estudyante ang mabibigyan nila ng educational assistance sa Odiongan.
Sa isang facebook post, sinabi ni Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic na sana ay mas makaisip ng mas mabuting sistema ang DSWD lalo na umano at limitado lamang ang slots ng mga mabibigyan.
Hiling nito na sana ay hindi mangyari sa ibang bayan sa susunod na Sabado ang nangyari sa Odiongan.
Samantala, maayos naman ang naging sistema ng pamamahagi ng ayuda sa loob mismo ng Odiongan Covered Court dahil may inihandang lugar rito ang lokal na pamahalaan ng Odiongan.