Nagsimula na ngayong araw, August 22, ang unang beses na 5-day Full in-person classes sa probinsya ng Romblon, mahigit dalawang taon simula nang kumalat ang Covid-19.
Ayon sa Department of Education – Romblon, ang Dibisyon ng Romblon ay gagamit ng iba’t ibang paraan ng pagtuturo kabilang na ang 5-day Full in-person classes.
Patuloy rin umanong gagamitin ang blended learning sa ilang paaralan.
“Ngayong unang linggo, aasahan na magkakaroon ng psychosocial activities ang mga mag-aaral upang tulungan silang mag-adjust sa kanilang pagbabalik-aral,” ayon sa isang press statement ng ahensya.
Payo ng DepEd-Romblon sa mga estudyante, guro at mga magulang, sundin ang lahat ng minimum health and safety protocols upang masiguro ang ligtas na balik-aral.
Kasabay ng pagsisimula ngayong araw ng mga klase ay ang huling araw ng enrollment sa lahat ng public schools sa bansa.
Pinayuhan ng DepEd-Romblon ang mga hindi pa nakakapagpatala na tumungo nang mas maaga sa mga paaralan upang ienroll ang kanilang mga anak.