Pinarangalan kamakailan ni Calapan City Mayor Malou Flores-Morillo at ni City Youth and Sports Development Officer Marvin Panahon ang tatlong atletang Calapeño matapos makakuha ng mga medalyang ginto, pilak at tanso sa larangan ng Taekwondo at Chess na kanilang kinalahukan sa ibang bansa ngayong taon.
Pinagkalooban ng sertipikasyon ng pagkilala at karangalan ang dalawang kasapi ng Persons with Disability (PWD) na kapwa may kapansanan sa paningin mula sa Barangay Panggalaan sa lungsod na ito na si Charmaine M. Tonic na sumungkit ng bronze medal sa larangan ng Women’s B2/B3 Standard Chess Team at Women’s B2/B3 Rapid Chess Team at si Israel D. Peligro ng Barangay Bayanan 1 matapos iuwi ang pilak na medalya mula sa Men’s B2/B3 Rapid Chess Team sa nakalipas na 11th ASEAN Para Games Solo na ginanap sa Surakarta, Indonesia noong Hulyo 30 – Agosto 6.
Dumalo din sa nasabing okasyon ang mga pangulo ng PWD ng barangay ng lungsod gayundin ang tangggapan ng City Social Welfare and Development na pinamumunuan ni Juvy Bahia at Persons with Disabilities Affairs Office (PDAO) Head Benjamin Agua, Jr., upang ipakita ang kanilang suporta sa dalawang atleta.
Samantala, pinagkalooban din ng alkalde ng kahalintulad na sertipikasyon si PCpl Kathleen Joy Dilay ng Regional Logistics and Research Development ng Police Regional Office (PRO) Mimaropa matapos ibulsa ang isang medalyang ginto at tatlong medalyang tanso sa larangan ng Taekwondo sa nakaraang World Police and Firearms Games 2022 na ginanap noong Hulyo 22-31 sa Rotterdam, Netherlands.
Sinabi ni Mayor Morillo sa kanyang talumpati na malaking karangalan para sa lungsod ang iniuwing medalya ng mga atleta at nangakong susuportahan ang lahat ng mga Calapeñong atleta na sasabak sa mga kompetisyon at handang ipagkaloob ang kanilang kailangan para sa mga susunod na pagsasanay. (DN/PIA MIMAROPA)