Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos ang pagpapabuti ng healthcare system sa buong Pilipinas, lalo na sa “geographically isolated and disadvantaged areas” sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA) nitong Hulyo 25 sa Batasang Pambansa.
Ani Pangulong Marcos, upang maging mas epektibo ang healthcare system sa buong bansa, nais nitong magkaroon ng major specialty hospitals sa iba’t ibang panig nito, hindi lamang sa National Capital Region.
“We must bring medical services to the people and not wait for them to come to our hospitals and healthcare centres. Napakainabangan natin ng husto ang malalaking specialty hospitals gaya ng Heart Center, Lung Center, Children’s Hospital, at National Kidney and Transplant Institute. Kaya maliwanag na hindi lang dapat dito sa National Capital Region kundi maging sa ibang parte ng bansa.”
Sinabi pa ni Marcos na mahalagang maparating ang internet connectivity sa bawat panig ng bansa upang magamit din ng healthcare system.
Sa pamamagitan ng Broadband ng Masa Project, inatasan ng Pangulo ang Department of Information and Communications Technology na magtayo ng libreng WiFi sa buong bansa upang maitatag ang Telemedicine Services.
“I have therefore tasked the DICT to deploy digital connectivity across our various islands. This will be done through the implementation of the National Broadband Plan, the Common Tower Program connecting our geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) via our Broadband ng Masa Project.”
Sa isang panayam, kinumpirma ito ni DICT Sec. Ivan John Uy.
“Oras na mabigyan natin ng mga connectivity dun sa mga area na yun, makaka-access po yung mga mag-aaral ng mga materials for the online education, at the same time, Telemedicine Services for public health.”
Bukod sa pangkalusugan, pinag-usapan din ng Pangulo sa kanyang unang SONA ang iba’t ibang proyektong pang-ekonomiya, pang-agrikultura, edukasyon, seguridad, at pang-imprastraktura.
Natapos ang kanyang talumpati ganap na 5:15 ng hapon, na tumakbo ng mahigit isa’t kalahating oras. (PIA-NCR)