Muling inihayag ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang katatapos na State of the Nation Address o SONA ang maayos at mabilis na paglilinis ng listahan ng benepisyaryo ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program.
Ito aniya ay upang matiyak na mapupunta sa kwalipikadong mga pamilya ang tulong ng pamahalaan.
Kaniya ring ikinatuwa ang mahigit na isang milyong benepisyaryo na nakatapos na sa pagiging 4Ps at ang kanilang pamumuhay ay umangat na.
“Higit na sa isang milyong pangalan na ang naka-graduate na sa listahan. At nagagalak akong mabatid na sila ay nakatatayo na sa kanilang sariling paa,” sinabi ng Pangulo.
Ayon sa pinakahuling tala na inihayag ng Kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na si Sec. Erwin Tulfo, hindi bababa sa 1.3 milyong benepisyaryo mula sa kabuuang 4.4 ang hindi na maituturing na mahirap at hindi na kwalipikadong matawag bilang benepisyaryo ng 4Ps.
Nangangahulugan ito ng magagamit pang P15 bilyong pondo para sa iba pang mga kwalipikadong tao na papalit sa kanila sa listahan at mapapabilang sa programang 4Ps.
Ang 4Ps ay isang programa ng pamahalaan na pinangangasiwaan ng DSWD na nagbibigay ng conditional cash grants sa pinakamahihirap sa mahihirap, para mapabuti ang kalusugan, nutrisyon, at edukasyon ng mga batang may edad 0-18.
Ang programa ay isinasagawa sa lahat ng 17 rehiyon sa bansa, na sumasaklaw sa 79 na lalawigan, 143 na lungsod, at 1,484 na munisipalidad. Pinipili ang mga benepisyaryo sa pamamagitan ng National Household Targeting System for Poverty Reduction (NHTS-PR), na tumutukoy kung sino at nasaan ang mga mahihirap sa bansa. (PIA-NCR)