Ipinagdiriwang sa Lungsod ng Puerto Princesa ngayong Hulyo ang pitong araw na 6th Balayong Tree Planting and Nurturing Festival.
Nagsimula ito noong Hulyo 26 ,2022 kung saan iba’t-ibang aktibidad ang matutunghayan dito tulad ng Caraenan sa Balayong, Sining sa Balayong Exhibit, Balayong Puppet Show and Book Reading, Pagarbong Concierto ‘Y Ang Balayong Park.
Ngayong Hulyo 30 ang pinaka-highlight ng nasabing pagdiriwang kung saan isinagawa ang Balayong Tree Planting and Nurturing sa Balayong People’s Park na pinangunahan mismo ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo R. Bayron.
Ang ‘Balayong Tree Planting and Nurturing Festival’ ay inilunsad noong 2017 kung saan 1,391 punong balayong ang naitanim dito. Ang pinakahuling kaganapan nito ay noong 2019 at pansamantala itong natigil noong 2020 at 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.
Ngayong taon nasa 840 puno ng Balayong ang ikakalinga ng mga nagtanim nito noong mga nakaraang ‘Balayong Tree Planting and Nurturing Festival’.
Samantala, nasa 56 puno naman ng Balayon ang itinanim sa iba’t-ibang bahagi ng Balayong People’s Park. Maliban sa nasabing puno, makikita din sa parke ang iba pang punong kahoy tulad ng golden shower, banaba, bignay at mulberry.
Ang Balayong tree o Palawan Cherry ang kinikilalang sariling punong kahoy ng Puerto Princesa City, maging ng lalawigan ng Palawan.
Kasabay din nito ang groundbreaking ng iba pang proyekto na itatayo sa Balayong People’s Park tulad ng Puerto Princesa City Arboretum Cum Botanical and Herbal Garden.
Nakiisa naman sa nasabing pagdiriwang ang Philippine Information Agency (PIA)-Palawan, kasama ng iba pang mga tanggapan ng pamahalaan, mga pribadong sektor, mga kabataan, senior citizens maging ang mga kinatawan ng Pacific Partnership 2020 na pinangungunahan ni Mission Commander US Navy Capt. Hank Kim.