Lilimitahan ng lokal na pamahalaan ng Looc ang importasyon ng mga buhay na baboy sa kanilang bayan upang ang mga local hog raisers ang unang mabibilhan ng mga baboy na ibebenta sa palengke.
Sa executive order na ipinalabas ni Mayor Lisetter Arboleda nitong July 18, sinabi nitong dahilan ng pagri-regulate sa imporasyon ay ang oversupply ng buhay na baboy sa kanilang bayan.
Binasehan ng alkalde ang ulat ng Looc Hog Raisers Association at ng Municipal Agriculture Office na mayroon sa kanilang oversupply ng buhay na baboy.
“In order to minimize the deterimental effect of the oversupply of hogs, local supply must be prioritized by meat vendors and consumers,” ayon sa executive order.
Marami umanong local supplier ang nalulugi dahil mahirap maibenta ang kanilang mga baboy.
Upang masiguro na galing sa local supplier ang mga baboy na dadalhin sa municipal slaughterhouse, ipinagutos ng alkalde na i-require ang pagkuha ng mga mambabaoy ng Barangay certification.
Inatasan rin nito ang Looc Municipal Police Station at ang BLGU na bantayan at ipatupad ang nasabing executive order simula Miyerkules, July 20.
Hinimok rin ng alkalde ang Sangguniang Bayan na magpasa ng ordinansa na magbibigay parusa sa lalabag sa nasabing kautusan.
Samantala, pinulong na ng alkalde ang meat vendors sa bayan nitong Lunes upang kunin ang kanilang saloobin, opinyon, ideya, reklamo, suhestyon, mga katanungan at mga kinakaharap na mga problema.