Nauwi sa komosyon ang pag aresto sa isang babae na kasapi ng rebeldeng Communist Terrorist Group o CTG matapos masaktan ang dalawa sa umaarestong operatiba na miyembro ng PNP Special Action Force na nangyari sa Brgy. Villa Pag-asa, Bansud noong Hulyo 5.
Sa ulat ng hepe ng Bansud Municipal Police Station na si PMaj Christian Marquez, isinagawa ang operasyon dakong alas-11 ng gabi na ang kanilang target na most wanted person na si Teresita Alcantara alyas Jam Alcantara, 47 anyos na CTG na pansamatalang naninirahan sa Sitio Libis Brgy. Conrazon Bansud at tubong Brgy. Buknong Ibaba, Magdalena Laguna.
Batay sa ulay, may standing warrant of arrest dahil sa kasong pagpatay na inilabas ni Hon. Judge Hector Almeyda ng RTC Br. 62 sa Gumaca Quezon na inisyu noong Abril 24, 2008 na may Criminal Case No. 1176-G na walang piyansang nakalaan.
Ayon pa sa report, namataan ng mga operatiba ang suspek na may kasama pang dalawa, na sina Joel Raña Manis at Abegail Rosas Buendicho sakay ng isang pulang motorsiklo ng sila’y parahin ng mga pulis upang ihain ang warrant sa suspek.
Habang pinoposasan at sinasabihan ng karapatan ng arresting officer si Alcantara, agad sumakay sa dalang motorsiklo si Manis na kasama nito ngunit nahila ng isang pulis ang motor na siyang ikinabagsak ng dalawa at sinabayan pa ito ng pagpalo ng walis ni Alcantara sa mukha ng umaarestong pulis na ikinasugat nito at kinalaunan ay kapwa din inaresto.
Agad naman dinala sa himpilan ng pulisya ang tatlo upang doon isagawa ang imbentaryo sa laman ng dalang back pack ng rebeldeng suspek na sinaksihan ng isang barangay kagawad.
Nang buksan ang bag ay dito na tumabad ang iba’t-ibang uri ng kalibre ng baril at bala, mga improvised explosive device, mga cellphone, powerbank, notebook, sim cards, iba’t-ibang denominasyon ng pera at mga subersibong dokumento.
Dagdag pa ni Maj. Marquez, ang mga kasong kakaharapin ng tatlo ay paglabag sa RA10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulations Act, RA9516 o Illegal Possession of Explosives at Article 151 of the Revised Penal Code o Resistance and Disobedient to a person in Authority.
Pansamatalang naka kulong sa Bansud MPS ang mga suspek habang inihahanda ang mga dokumento para sa paglipat ng rebeldeng suspek sa lugar kung saan unang inihain ang kaso.