Mahigit P1.2 million na halaga ng mga livelihood kits ang naipamahagi ng Department of Trade and Industry (DTI) sa mga micro, small and medium entrepreneurs (MSMEs) sa lalawigan sa unang anim na buwan palang ng 2022.
Ito ang magandang ibinalita ni DTI Romblon Provincial Director Noel Flores sa ginanap na Kapihan sa PIA Romblon nitong Miyerkules, July 20, sa Harbor Chateau.
Sinabi ni Flores na ang mga MSMEs na nakatanggap ng mga kits ay benepisyaryo ng Livelihood Seeding Program – Negosyo Serbisyo Sa Barangay (LSP-NSB) at Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa (PPG), parehong mga programa ng DTI.
Batay sa datus ng DTI Romblon, pinakamaraming nabigyan ay mga negosyanteng may Sari-Sari Store.
Aniya, patuloy ang ginagawa nilang pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan para matukoy pa ang ibang MSMEs na posibleng matulungan ng ahensya sa pamamagitan ng mga nabanggit na programa.