Umaaray na sa napakamahal na presyo ng gasulina at sa hindi nakakasabay na fare matrix ang mga tricycle driver sa bayan ng Odiongan, Romblon.
Sa mga nakausap ng Romblon News Network nitong Huwebes, July 7, sinabi nila na hindi na sumasapat ang kanilang kinikita araw-araw para sa kanilang araw-araw na gastusin sa kalsada at sa kanilang pamilya.
“Ang hirap ng biyahe, ang mahal ng gasulina, tapos ang kita namin nasa P200 lang, ‘yung gasulina isang litro halos P100, tapos kakain namin ‘yung natira, kaya pag-uwi namin sa hapon, wala na kaming naiuuwi,” ayon kay Eric Bantang, isang tricycle driver.
Kwento ni Eric, alas-7 ng umaga ay nagsisimula na siyang pumasada at natatapos ng alas-5 ng hapon, sa buong araw na biyahe umano nito, ilan lamang ang kanyang kinikita.
Sinasabi rin ni Eric na ang mababang taripa rin ng lokal na pamahalaan ng Odiongan ay nakakaapekto sa kanila dahil hindi sila makasingil ng mahal na bayad dahil ang nasa taripa ay P15 lang umano ang dapat pamasahe.
Paliwanag naman ni Diosdado Gomboc, opisyal ng TUMARITODA, humiling na sila sa opisina ni Vice Mayor Diven Dimaala ng dagdag taas sa fair matrix ngunit hindi pa ito naaprubahan.
“Humiling na kami na gawing P20 ang minimum fair ng tricycle dahil masyadong mura ‘yung P15, luging-lugi na ang tricycle driver natin jan,” paliwanag ni Gomboc.
Sa huling monitoring ng Romblon News Network nitong July 7, nasa P98 hanggang P107 na ang presyo ng gasulina sa bayan ng Odiongan.
Sinusubukan ng Romblon News Network na makuha ang pahayag ng lokal na pamahalaan ng Odiongan kaugnay sa kahilingan ng mga tricycle driver.