Patuloy ang apela ng mga taga-simbahan sa mga lokal na opisyal ng San Fernando at sa iba pang LGU sa probinsya na tutulan ang pagmimina sa Sibuyan Island.
Sa sulat ng Romblon Ecumenical Forum Against Mining (REFAM) na pinadala sa mga LGU, umaapela sila na manindigan ang mga lokal na pamahalaan na tutulan ang pagmimina sa kani-kanilang lugar.
“Listen to your people. Choose life for “choosing life means making sacrifices and self-restraint”, bahagi ng sulat ng REFAM.
Ang REFAM ay binubuo ng iba’t ibang religious group sa buong Romblon noong 2011 para tutulan ang iba’t ibang uri ng pagmimina sa lalawigan.
Lumagda sa nasabing liham sina Bishop Ronelio Fabrique ng Iglesia Filipina Independiente (IFI) kasama si Msgr. Nelson Faderoga, Fr. Akim Jay Mendoza, Rev. Winnie Baniago, at Sis Pearl Harder; Bishop Narcisco V. Abellana ng Roman Catholic Diocese of Romblon kasama si Rev. Fr. Ethelbert Magbata at Living Laudato Si’ Philippines Executive Director Rodne Galicha; Pastor Tito Ragot at Pastor Edward Manrique ng Jesus is Lord Church; Rev. Elmer Sulabo ng United Methodist Church; Pastor Jerry Fornal ng Church of God of Prophecy; at Pastor Eleazar Escarilla ng Church of the Foursquare of the Philippines.
Sa kabilang banda, ang Sangguniang Bayan ng San Fernando noong June 6 ay nagpasa ng Resolution No. 83 series of 2022 na tumututol sa pagmimina.