Bilang bahagi ng pagpapaigting ng kampanya ng Social Security System (SSS) laban sa mga employer na hindi nakakabayad ng kontribusyon ng kanilang mga empleyado, isinagawa ng ahensya noong Hulyo 14 ang Run After Contribution Evaders o RACE activity.
Sampung pribadong kumpanya sa bayan ng Boac ang personal na inisyuhan ng babala ng mga kawani ng SSS sa pangunguna nina Francisco Lescano, acting head ng Luzon South 2 Division at Remalyn Saguid, branch head sa Marinduque.
Ayon kay Lescano, ang mga manggagawa ang lubos na naapektuhan kapag hindi nahuhulugan sa tamang oras ng kanilang employer ang SSS contribution.
Dito rin aniya nakabase ang mga benepisyong makukuha sa SSS tulad ng pension, maternity benefits, loan, at iba pa.
Binigyan ng 15 araw na palugit ang nabanggit na mga establisyemento para bayaran ang deliquent contributions ng kanilang mga empleyado at sakaling hindi ma-settle ay sasampahan sila ng kaso.
Nakasaad din sa nasabing kalatas na maaaring i-avail ng naturang mga employer ang SSS Pandemic Relief and Restructuring-Enhanced Installment Payment Program (PRRP 3) para hindi maging mabigat ang pagbabayad ng kanilang mga obligasyon.
Nakatakda namang padalhan ng kaparehas na ‘show cause order’ ang iba pang deliquent employers sa buong probinsya.
Samantala, bago isagawa ang nasabing aktibidad ay nag-courtesy call muna ang grupo kay Vice Mayor Mark Anthony Seño. (RAMJR/PIA MIMAROPA)