Aabot sa sampung mga employer sa bayan ng Odiongan ang supresang binisita ng Social Security System (SSS) para paalalahanan ang mga ito patungkol sa mga hindi nababayarang kontribusyon para sa kanilang mga empleyado.
Ang aktibidad na ito na tinawag na ‘Run After Contribution Evaders Activity’ (RACE) ay pinamumuan ni Francisco Lescano, acting head ng Luzon South 2 Division at Ammie Candelaria ng SSS Romblon.
Sa isang panayam, sinabi ni Lescano na ang sampu ay bahagi ng 723 na employer sa probinsya na may delinquency sa SSS at 20 sa mga ito ay naiakyat na sa legal division para sa kaukulang aksyon. Aabot na rin umano sa P66-million ang kabuoang deliquency ng mga employer sa probinsya.
Paliwanag ni Lescano at Christina Riano ng SSS, posibleng magka-problema ang mga miyembro ng SSS kung sakaling may kailangan silang i-avail na pension o loan dahil sa deliquency ng kanilang mga employer.
Para makatulong sa mga employer, sinabi ni Lescano na maaring i-avail ang SSS Pandemic Relief and Restructuring-Enhanced Installment Payment Program o ang PRRP 3 para hindi mahirapang magbayad ng obligasyon ang mga employer.
Samantala, para sa mga empleyado namang may reklamo matapos hindi mahulugan ng kanilang employeer ang kanilang kontribusyon sa SSS, sinabi ni Lescano na handa ang SSS Romblon para pakinggan ang mga ito.
“Pwede naman silang pumunta dito para mag-file ng complaint, tapos kami na ang mag-ano doon. Tingnan nila ‘yung mga account nila sa my.SSS app para ma-verify nila ang kanilang mga kontribusyon,” pahayag ni Lescano.