Ibinahagi kamakailan ng National Nutrition Council (NNC) Mimaropa ang mga aktibidad na inaasahan sa pagdiriwang ng ika-48 Buwan ng Nutrisyon ngayong Hulyo, sa panayam ng isang lokal na himpilan sa bayan ng San Jose.
Ayon sa Regional Nutrition Program Coordinator (RNPC) na si NNC Mimaropa regional director, Ma. Eileen Blanco, dahil sa pandemya, karamihan sa mga nakahanay na gawain ay online pa rin. Ang mga aktibidad na ito ay kinabibilangan ng mga virtual contest tulad ng Poster-making, NutriQuiz, NutriRiddles, at NutriJingle. Nakalinya rin sa pagdiriwang ang ilang information sharing session na tatalakay sa Mental Health in the New Normal, Nutrition and Immunity, at iba pa.
Ayon pa kay RD Blanco, maaring bisitahin ang kanilang Facebook page na National Nutrition Council Mimaropa Region para sa iskedyul at mechanics ng nabanggit na mga paligsahan.
Samantala, nabatid rin kay RD Blanco na idaraos ang Nutrition Month Ceremonial Activity sa Hulyo 19 sa Abra de Ilog. Makakasama ng NNC ang iba’t ibang ahensya na magkakaloob ng kanilang serbisyo sa publiko.
Ang tema ng Nutrition Month Celebration ngayong taon ay ‘New Normal na Nutrisyon, Sama-Samang Gawan ng Solusyon’. (VND/PIA MIMAROPA)