Inilunsad ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Palawan ng Listo Palaweño Mobile App noong Hulyo 6 sa Victoriano J. Rodriguez (VJR) Hall ng Provincial Capitol, Puerto Princesa City.
Ayon kay PDRRM Officer Jeremias Y. Alili, ginawa nila ito para mabilis na maiulat ng mga mamamayan ang mga pangyayari sa kanilang lugar gamit ang kanilang cellphone at mabilis ring mapuntahan ng mga magreresponde.
“Ang Listo Palaweño Application, ito ay ginawa natin para magtatag ng emergency response, o emergency reporting system para sa ating mga kababayang Palaweño, para mas mabilis nilang maireport gamit ‘yong kanilang mga cellphone at mabilis rin matanggap ng ating mga responders ‘yong incident situation at mas mabilis silang makakapagpadala ng responders doon sa nangangailangan, basically ‘yon ang pinakalayunin nito,” saad pa ni Alili.
Maliban dito ay mayroong aniya itong kasamang ibang benepisyo dahil dito idadaan ang alert warning advisories. Ang kagandahan aniya nito ay ‘location specific’ o tiyak na lugar ang mapapadalhan, halimbawa aniya nito na kapag maulan sa bayan ng Narra at walang ulan sa ibang bahagi ng Palawan, Narra lang ang makakatanggap ng alerto na maulan sa bayan ng Narra.
Tanging mga gumagamit ng android na cellphone pa lang muna ang maaari nitong gumamit sa pamamagitan ng pag-download nito sa Playstore. Pagkatapos ma-download ay kailangang magrehistro at hintayin na maberipika. Kailangang lamang magpadala lang ng ID para matiyak na ang pagkakilanlan dahil inaalala nila ang pagkakaroon ng prank reports. Pagkatapos nito ay maaari na silang magpadala ng incident report na makukuha naman ng command center.
Nasa P500K lang aniya ang kanilang nagastos dito pero nilinaw niya na phase 1 pa lang ito ng proyekto dahil magsasagawa pa sila ng mga pagpapaunlad dito, dahil gusto kasi niyang ang mga alerto at babala mula sa mga warning devices na nakalagay sa iba’t-ibang mga lugar na peligroso ay matanggap na rin nila para maging tiyak na lugar ang mapadalhan.
Pangalawa, nais rin ni Alili na ipasok lahat ng ‘risk information’ ng bawat barangay at munisipyo sa buong lalawigan para kapag may bagyo alam na kung ilang bahay at ilang bangka ang tatamaan at magkano ang kailangang ihahandang halaga para sa pagresponde at pagtulong sa mga kababayan na maaaring maapektuhan.
Dumalo sa gawain si Palawan Second District Board Member Ryan D. Maminta na siyang may akda ng resolusyon noong 2019 hinggil dito, mga kinatawan mula sa ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan, MDRRMO’s, at maraming iba pa. (MCE/PIA MIMAROPA)