Napapakinabangan na simula ngayong buwan ng Hulyo ang Desalination Facility sa Barangay Cobrador sa bayan ng Romblon, Romblon matapos itong opisyal na buksan ng pamahalaan.
Ito ay pinagsamang proyekto ng Department of Science and Technology (DOST) at ng lokal na pamahalaan ng Romblon.
Ayon kay Romblon Mayor Gerard Montojo, ang proyekto ay naglalayong magbigay ng potable na tubig sa mga residente sa lugar sa pamamagitan ng water desalination technology kung saan inaalis o binabawasan ang asin mula sa tubig-alat.
Samantala, ang “salt contents” na nasala mula sa tubig ay makakatulong bilang dagdag na kita ng mga taga-Cobrador sa pamamagitan ng pagkolekta at pagbebenta ng mga ito para gamitin sa bahay.
Sa pamamagitan ng proyektong ito, mababawasan at maiiwasan ang tinatawag na mga “water-borne diseases” sa mga residente ng isla dahil sa pagkakaroon ng malinis, at ligtas na inuming Tubig.
Dagdag pa rito, hindi na rin nila kailangang tumawid ng dagat papunta sa Poblacion upang makabili ng ligtas na inuming tubig.