Target na maglunsad ng tricycle hailing app para sa mga Tricycle Operators and Drivers’ Association (TODA) sa bayan ng Odiongan si Odiongan Vice Mayor Diven Dimaala.
Ito ang kanyang ibinahagi sa publiko kasabay ng kanyang panunumpa bilang reelected Vice Mayor ng bayan ng umaga matapos manalo sa eleksyon.
“Being the chairman of the Transportation and Municipal Franchising and Regulatory Board, I have on the list my promises like, Online TODA,” pahayag ni Dimaala.
“Meron po tayong panukala na gagawin nating Online TODA ang ating mga TODA, parang UBER at GRAB,” dagdag pa ng bise alkalde.
Sinabi ni Dimaala na may kausap na siyang gagawa ng nasabing application kung saan makakatulong sa mga mananakay sa Odiongan kung sila ay may pupuntahan.
“Halimbawa, ako po na nandito sa kinatatayuan ko at gusto ko pumunta ng [Barangay] Tulay, pipindot lang ako ng cellphone at lalapit na sa aking ang tricycle,” paliwanag nito.
Sa tulong ng tricycle hailing app, magiging parehas umano ang pamasahe at parehong kikita ang driver at operator.
“This is the first step for digitalization of our transport sector. We will become the first in Mimaropa. Hopefully, we will launch it this coming July,” pangako ng bise alkalde.