Ang pagpapaganda pa ng mga ospital at infirmary sa probinsya ng Romblon ang patuloy na tutukan ni Governor Jose Riano sa kanyang ikalawang termino sa pwesto.
Ito ang kanyang ibinahagi sa kanyang inaugural address nang ito ay manumpa sa kanyang katungkulan nitong ika-30 ng Hunyo sa bayan ng Romblon, Romblon.
“Pagkakaroon ng dagdag na level 1 hospital, gaya ng Sibuyan District Hospital, upang ang mga kababayan ay hindi na maglakbay ng malayo para sa kanilang operasyon o anumang pangangailangang medikal,” pahayag ng gobernador.
Sa ngayon ang probinsya ng Romblon ay mayroong dalawang ospital, ito ay ang Romblon Provincial Hospital at Romblon District Hospital, at anim namang Infirmary.
Ang pagdagdag ng mga equipments gaya ng CT-Scan para sa Romblon District Hospital at Romblon Provincial Hospital ay target rin ng gobernador.
Sinabi rin nito na ang pagkakaroon ng dialysis center sa probinsya ay malapit ng maisakatuparan dahil hinihintay nalang umano nila na magkaroon ng license to operate ang operator ng dialysis machine. Matatandaan na ang dialysis center ay pangako ng gobernador noong pang nangangampanya siya para sa kanyang unang termino.
Pangako rin ni Riano sa tulong ng National Gov’t, ipagpapatuloy ng mga ospital sa probinsya ang pagpapatupad ng “No Balance Billing” upang ang mga nasa laylayan ay hindi na gumastos pa.
Pinag-aaralan na rin umano ng Provincial Gov’t na gawing specialty hospital ang mga infirmary sa San Andres at sa San Agustin.
Nasa plano rin ni Riano sa susunod na taon ang pagbili ng mobile clinic truck ngayong taon upang mas mailapit sa komunidad ang mga health services na handog ng Provincial Gov’t kagaya ng libreng check-up, libreng gamutan, at mga medical missions.