Patuloy ang ginagawang kampanya ng Department of Health (DOH) sa rehiyon ng Mimaropa upang mapigilan ang pagkalat ng human immunodeficiency virus o HIV at acquired immune deficiency syndrome o AIDS.
Sinabi ni Mellanie Montes, Regional HIV/AIDS Nurse Coordinator, na nakikipagtulungan ang DOH Mimaropa sa mga Provincial Health Offices sa rehiyon upang sa mas malawak na education campaign kaugnay ng nabanggit na mga sakit.
Si Montes ay isa sa mga tagapagsalita sa ginanap na virtual press conference nitong Lunes, June 27, na inorganisa ng Philippine Information Agency – Mimaropa.
“Nagkakaroon po sila [DOH, PHO, RHU] ng community screening o outreach. Nagpupunta sila sa mga barangay para po ma-provide ang HIV screening sa kanila. Meron rin po tayong tinatawag na online outreach, hindi lamang po sa community, prino-promote na rin natin ‘yung screening online,” pahayag ni Montes.
Batay sa datus ng Philippine HIV and AIDS Registry, aabot na sa 1,379 ang naitalang kaso ng HIV sa rehiyon mula January 1988 hanggang April 2022. Sa bilang na ito 96 ang naitala lamang ngayong taon.
Pinakamaraming naitalang HIV cases sa Palawan na may 715 at sinundan ng Oriental Mindoro na may 351. Occidental Mindoro naman ang pumapangatlo na may 135 na kaso, at sinusundan ng Romblon at Marinduque na may 95 at 83 na kaso.
Mula rin 1988, may namatay ng 92 katao sa rehiyon dahil sa sakit.
Ang HIV ay maaring maipasa sa pamamagitan ng likido sa katawan kagaya ng dugo, semen, vaginal liquid, at anal fluid, kaya paalala ni Montes sa publiko ma simdom ang ABCDE o Abstinence sa Sex, Be Mutually Faithful, Correct and Consistent Use of Condoms, Don’t Use Drugs, at Education and early detection.
Libre ang magpa konsulta at magpa-test sa mga HIV testing facilities sa rehiyon, tumungo lamang sa Purple Rain Clinic sa Oriental Mindoro Provincial Hospital; sa A.R.U.G.A sa Occidental Mindoro Provincial Hospital; Tripple Heart sa Marinduque Provincial Hospital; Red Shelter Clinic sa Romblon Provincial Hospital; at sa Red Top Center sa Ospital ng Palawan sa Puerto Princesa City. (PJF/PIA Mimaropa)