Pinasanyaan kahapon, June 28, sa bayan ng Odiongan ang kanilang bagong Health Center ng bayan. Pinangunahan ang pagpapasinaya nina Odiongan Mayor Trina Firmalo-Fabic kasama si Dr. Leah Faderon-Fajutagana, officer-in-charge ng Municipal Health Office.
Ayon sa lokal na pamahalaan ng Odiongan, hindi na mahihirapan ang mga Odionganon na umakyat pa sa pangalawang palapag ng munisipyo para lamang makatanggap ng health services dahil ang bagong health center ay nasa harap na mismo ng Odiongan Public Plaza.
Dumalo rin sa nasabing ribbon cutting at pagpapasinaya ang mga kawani ng Municipal Health Office, representante ng DOH sa pangunguna ni Dr. Winston A. Palasi, mga opisyal ng lokal na pamahalaan, mga municipal department heads at mga kaagapay na doktor ng LGU Odiongan na sila Dr. Lolong Firmalo at Dra. Leoncia Firmalo.
Maalalang 2016 nang simulang itayo ang nasabing gusali ng Department of Health, at kalaunan ay itinuloy ng Pamahalaang Lokal ng Odiongan.
Ayon sa Municipal Engineering Office, ang nasabing gusali ay may floor area na aabot sa mahigit 500sq m.