Muling nagpulong ang mga namumuno ng tanggapan ng pamahalaan na kabilang sa Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) Mimaropa na pinangunahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) kasama ang mga katuwang na ahensiya ng pamahalaan hinggil sa usaping pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at ng Communist Terrorist Group (CTG) sa lalawigan.
Ginanap ang nasabing pagpupulong kamakailan sa Mangyan Hall ng Kapitolyo na ang layunin ay ang pagkakaisa ng mga mga ahensiya ng pamahalaan sa mga kahilingan at mungkahi na ilalatag ng CTG bago isagawa ang nakatakdang ikalawang pagpupulong ayon na rin sa Executive Order No. 70 ni Pang. Rodrigo Roa Duterte.
Pinangunahan ang pagpupulong ng mga Regional Director (RD) ng pamahalaan mula sa DILG na si Wilhelm Suyko, Police Regional Office (PRO) Mimaropa PBGen Sidney Hernia, National Intelligence Coordinating Agency (NICA) Ariel Perlado at kumatawan kay Gob. Humerlito Dolor na si Provincial Legal Officer, Atty. Earl Turano.
Ilan sa mga ahensiyang nangako ng susuporta ay ang Department of Social Welfare and Development (DSWD). na kung saan ay magkakaloob ng on-the-spot assistance tulad ng pinansiyal, pagkain, edukasyon at medikal sa mga benepisyaryo na may katunayang pagkakakilanlan, gayundin ang Department of Trade and Industry (DTI-OrMin) na magsasagawa ng programa sa ilalim ng ‘Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa’ (PBG) \, na kailangan ang tulong mula sa Cooperative Development Authority (CDA), kasabay ng masusing pagsisiyasat at pag-aaral sa nasabing programa.
Nangako naman ang PhilHealth ng dagliang proseso ng pagiging kasapi sa ilalim ng Universal Health Coverage habang ang National Housing Authority (NHA) ay magbibigay ng programang pabahay na nakapaloob dito kabilang ang lupa, pagpapagawa ng bahay at pagpoproseso ng mga papeles na nagkakahalaga ng P450,000. Bago nito ay kailangan munang sumulat ng kahilingan ang PTF-ELCAC sa NHA para pagkalooban ng proyektong pabahay ang mga lehitimong benepisyaryo na mga katutubo kasabay ng pondo para dito.
Kasabay nito ay bibigyan din ng tulong pangkabuhayan ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ang mga prayoridad na barangay sa lalawigan at ang pamamahagi ng mga solar light set at marami pang iba.
Nakiisa din sa pagpupulong ang Department of Agrarian Reform (DAR), National Ccommission on Indigenous Peoples (NCIP), Department of Justice (DOJ), Department of Agriculture (DA), at ang 203rd Infantry Brigade ng Philippine Army.
Samantala, inaasahan na nasa 12-15 (na maari pang umabot sa 20) CTG ang nakatakdang sumuko kasama ang kanilang mga armas.
Magugunita na isinagawa na rin ng RTF-ELCAC ang kahalintulad na pulong noong nakaraang buwan na ginanap sa Hinirang Hall ng PRO Mimaropa at patuloy pa rin ang pagsasagawa ng mga pulong hanggang makamit ang inaasahang kapayapaan sa buong rehiyon. (DN/PIA-OrMin)