Gabay ang datos mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na tinatayang nasa 103.25 kilo ng bigas, o katumbas ng higit dalawang kaban ang kinokonsumo ng isang Pilipino kada taon, kailangang mas maging produktibo ang bansa sa pagsasaka at pag-ani nito alang-alang sa seguridad ng pagkain.
Ito ang binigyang-diin ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson sa kanyang pagbisita sa Ampatuan, Maguindanao nitong Huwebes (Mayo 5) kung saan muling natalakay ang usapin tungkol sa bigas na tinututukan nila ni senatorial aspirant Emmanuel ‘Manny’ Piñol.
Batay sa impormasyon ni Piñol na dating kalihim ng Kagawaran ng Agrikultura, aabot sa 14-milyong metriko tonelada ng bigas ang kinokonsumo ng mga Pilipino kada taon, ngunit ang produksyon lamang nito sa bansa ay tinatayang nasa 12-milyong metriko tonelada.
“Kapos kaya tayo nag-i-import. Kailangan niyan i-increase natin ang productivity. Sa halip na import tayo nang import na meron pang komisyon, may rebate, kaya napakamahal ng bigas,” ayon sa presidential candidate.
Sinabi ni Lacson na mas magandang tulungan ng pamahalaan ang sarili nating mga magsasaka upang mapataas ang sarili nating produksyon ng bigas at maiwasan na ang pag-aangkat na nagpapahirap sa kanilang hanapbuhay.
Sang-ayon dito si Piñol na muling inirekomenda na gawing P38 hanggang P40 ang bentahan kada kilo ng bigas na swak pa rin sa budget ng karaniwang pamilyang Pilipino nang hindi malulugi ang mga magsasaka maging ang gobyerno.
“Palakasin na lang natin ‘yung ating mga farmer. Bigyan ng suporta, bigyan ng irigasyon, bigyan ng magandang binhi, bigyan ng magandang presyo ‘yung kanilang palay para lalo silang sipagin at mag-stabilize ‘yung presyo (ng bigas),” ayon kay Piñol.
Bukod sa planong pagbili ng 50 porsyentong produkto ng ani ng mga magsasaka at maging ng mga mangingisda sa ilalim ng administrasyong Lacson, sinabi rin ni Piñol na isusulong niya ang suspensyon ng Batas Republika 11203 o ang Rice Tariffication Law.
Sa ilalim kasi ng batas na ito na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2019, nawala ang limitasyon sa bilang ng mga inaangkat na bigas kapalit ng 35 porsyento ng taripa para rito mula sa mga bansang kasapi ng ASEAN (Association of Southeast Asian Nations).
Nilikha rin ng batas na ito ang P10-bilyong Rice Competitiveness Enhancement Fund, na layon sanang pataasin ang produksyon ng bigas ng mga lokal na magsasaka sa gitna ng liberalisasyon sa kalakalan, ngunit ayon sa mga nasa sektor ng agrikultura ay hindi umaabot sa kanila ang pondong ito.
“Kailangan lang maiwasan ‘yung korapsyon, at para maiwasan ang korapsyon, kailangan pumili tayo ng presidente na may record na straight at walang bahid ng korapsyon. ‘Yan ay si Ping Lacson,” buong pagmamalaking sinabi ni Piñol sa mga taga-Maguindanao.