Maaaring maging source of income at livelihood ng mga katutubong Mangyan ang kanilang ancestral domain, ayon sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Ibinahagi ito ng NCIP sa katatapos lamang na Regional Ancestral Domain Visitation na ginanap sa Abra de Ilog at dinaluhan ng mga kinatawan ng populasyon ng mga katutubo ng iba’t ibang bayan ng probinsya, gayundin ng mga ahensya na pamahalaan, at iba pang stakeholders. Pangunahing layunin ng naturang aktibidad na magbigay ng paglilinaw sa mga probisyon ng Republic Act 8371 o Indigenous Peoples Rights Act of 1997.
Ayon kay NCIP Provincial Officer Julito Garcia, nakasaad sa RA 8371 na pinahihintulutang gamitin at pakinabangan ng mga katutubo ang likas na yaman sa loob ng ancestral domain, at maaari silang magkipag-partner sa mga organisasyon o lokal na pamahalaan ukol dito.
Isang halimbawa ng maaring gawin ay pagkuha ng mga rattan, baging at iba pang materyal na maaring gamitin ng mga katutubo sa kanilang paghahabi o paggawa ng handy crafts. Maari ring makipag-partner ang mga IPs sa isang samahan na bibili ng Napier Grass, na sa kasalukuyan ay nababalitang magandang gamiting alternative fuel bukod pa bilang livestock feeds.
Nilinaw naman ni Engr. Rey Luna, tagapamahala ng NCIP Oriental Mindoro, na prayoridad dapat ang mga katutubo sa anumang posibleng pakinabang mula sa isang ancestral domain at ginagarantiyahan ito ng pamahalaan. Kasama nito aniya ang pagtiyak na laging itaguyod ang kapakanan at karapatan ng mga katutubo gaya ng paghingi ng mga kaukulang permit at rekisitos ng iba’t ibang ahensya mula sa alinmang organisasyon na nais makipag-partner sa IPs para sa isang proyekto.
Nakasaad din sa RA 8371, na sakaling may nais ilagay na proyekto ang pamahalaan o pribadong sektor sa kalupaang sakop ng ancestral domain, dapat masigurong may partisipasyon ang IPs sa pagbuo at pagsasakatuparan ng nabanggit na proyekto.
Samantala sa nasabi ding pulong ay idinulog ng mga Indigenous People Mandatory Representative ang mga kahilingan at hinaing ng mga katutubo ng probinsya. (VND/PIA MIMAROPA)