Mapapanatag ang lahat ng Pilipino, lalo na ang mga miyembro ng LGBT-plus (lesbian, gay, bisexual, transgender, queer) community sa buong bansa, na magiging ligtas sila sa anumang uri ng diskriminasyon sa ilalim ng panunungkulan ni presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson.
Ito ang tinitiyak ni Lacson sa mga piniling maging ‘gender-fluid’ o labas sa kategorya ng pagiging babae o lalaki pagdating sa kanilang kasarian. Muli niya itong inihayag sa kanyang pulong-bayan sa Ampatuan, Maguindanao nitong Huwebes (Mayo 5).
Ayon kay Lacson, ‘gender equality’ o pantay na pagtrato sa lahat ng indibidwal ang magiging pamantayan ng kanyang pamunuan sakaling mahalal bilang susunod na pangulo ng bansa dahil hangad niya para sa lahat ang paggalang sa karapatang pantao.
“Pare-pareho tayong mga Pilipino. Actually, hindi lang sa Pilipinas, universal right po ito. Individual right ng bawat tao—mapa-lalaki, mapa-babae, mapa-LGBT—lahat may karapatan. Gender equality, ika nga… Pantay-pantay lahat, walang diskriminasyon,” saad ni Lacson.
Natalakay ang paksang ito nang tanungin ng isang nagpakilalang miyembro ng LGBT mula sa Brgy. Kamasi. Ayon sa kanya, mayroon silang organisasyon sa Maguindanao na rehistrado sa Securities and Exchange Commission.
Hinihiling ng kanilang grupo—na kinaaaniban ng mga guro, doktor, mga abogado, at iba pang propesyunal—ang pagkakaroon ng proteksyon mula sa gobyerno. Nakakaramdam pa rin umano kasi ng diskriminasyon ang ilang LGBT member sa kanilang lalawigan.
“We are not totally accepted at the Bangsamoro. Some of them tanggap naman kami, pero ang pinaka-concern namin dito is (security)… (Sana) ma-stop ‘yung pagba-bash, ‘yung pag-degrade ng pagkatao namin. Kami naman ang gusto lang namin magpasaya at makatulong,” ayon sa dumalong LGBT member.
Hindi tumitigil sina Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III sa panawagan laban sa lahat ng uri ng diskriminasyon sa lahat ng mga Pilipino, kabilang na ang mga nasa LGBT-plus community, mga nakatatanda, may kapansanan, mayroong ibang relihiyon, gayundin ang mga katutubo.
Nitong Marso, sinabi ng tambalang Lacson-Sotto na suportado nila ang Senate Bill 689 o ang mungkahing Sexual Orientation and Gender Identity Expression (SOGIE) Equality Act na kilala bilang Anti-Discrimination Bill, kung maihahalal sila bilang susunod na presidente at bise presidente.
“Kung ano ‘yung proteksyon na ibinibigay sa bawat isang kababayan natin na Pilipino, dapat ibigay din sa lahat ng tao kabilang na sa tinatawag natin—kinabibilangan niyo—mga LGBT. So, ‘yon po ‘yung aking assurance, at kami po napaka-partikular dito,” pagdidiin ni Lacson.
“Gusto namin umangat ‘yung sitwasyon. Hindi lamang ‘yung kabuhayan, umangat talaga ‘yung stature, ‘yung status ng bawat Pilipino, kung saan man nanggaling, ano man ang kanyang persuasion, ano man ang kanyang inclination, dapat po pantay-pantay. You can have that assurance 100 percent,” ayon pa sa presidential aspirant.