Para maalagaan ang kapakanan ng mga nakatatanda o senior citizen, dapat ay maibigay na sa kanila ang cash incentive mula sa gobyerno kahit hindi pa man nila naaabot ang edad na 100, ayon kay senatorial candidate Dr. Minguita Padilla.
“Kasi ‘pag hintayin pa natin ‘yung 100 years old ay wala na. Paano pa (nila) ma-e-enjoy ‘yung pera? … So, let’s bring it down para ma-enjoy ng mga senior ang pera [nila] habang buhay pa (sila), habang malakas pa,” mungkahi ni Dra. Padilla, isang public health advocate.
Una nang sinabi ni Dra. Padilla na kung mahahalal siya bilang senador ay ipagpapatuloy niya ang pagsusulong ng mga reporma sa sektor ng pampublikong kalusugan at pag-alis ng katiwalian sa public healthcare system ng bansa.
Ito ang unang pagsabak ng kilalang oftalmologo sa pulitika. Tumatakbo siya bilang senador sa ilalim ng tambalan nina presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson at running mate na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Naitanong kina Lacson at Dra. Padilla sa kanilang pagbisita sa Barangay Kamasi, Ampatuan sa lalawigan ng Maguindanao nitong Huwebes (Mayo 5) kung ano pa ang kanilang magiging mga plano para sa sektor ng mga senior citizen, hindi lamang sa kanilang rehiyon, ngunit maging sa buong bansa.
Ayon kay Dra. Padilla, na nagtatag ng Eye Bank Foundation of the Philippines, sa ilalim ng liderato ni Lacson ay mayroong tatlong mahahalagang hakbang ang agad nilang bibigyan ng prayoridad, kabilang na rito ang pagpapaunlad sa Batas Republika 10868 o ang Centenarians Act of 2016
Nakasaad sa batas na ito ang pagkakaloob ng P100,000 cash gift ng gobyerno para sa mga centenarian o ‘yung mga senior citizen na umabot na sa edad na 100-anyos. Para kay Dra. Padilla, mas makabubuti kung habang tumatanda ang isang Pilipino ay makakatanggap na ng insentibo mula sa gobyerno.
“[Kung] 100 years old ka na, makakatanggap ka ng P100,000. Pero sino naman dito ang makakaabot ng 100 years old, ‘di ba? Ibigay natin nang mas maaga ‘yung benepisyo. Halimbawa, mga seniors, ‘pag 85 years old, mayroon ka ng P85,000. Tapos tataas ‘yan habang tumatanda,” ayon kay Dra. Padilla.
Kasama rin sa mga plano nina Lacson at Dra. Padilla sa usaping pangkalusugan ang pagbibigay ng sapat na pondo para tuluyang maipatupad ang Universal Health Care Act upang maibigay ang libreng maintenance medicines ng mga senior citizen sa bawat barangay.
“Dapat ‘yan available, hindi tinitinda sa inyo. So, you will get that. Pero unang-una dapat ang tamang leaders ang maupo para ‘yung pera hindi mapunta sa bulsa ng kanino man—that’s number one,” pagbibigay-diin pa ng doktora.
Bukod dito, inihayag din ni Dra. Padilla ang plano ni Lacson na magkaroon ng skills matching para maibigay sa lahat ng mga Pilipino, maging sa mga may edad 60 pataas, ang kanilang karapatan na makapaghanapbuhay ngunit gagawin itong mas sistematiko dahil iaayon ito sa kanilang abilidad.
“Kasi ho, ang nangyayari ngayon, ‘pag senior na is pinapa-retire na ng marami. Pero alam naman natin just because you are senior o seasoned citizen—as Senator Sotto likes to say—hindi ibig sabihin hindi na pwede magtrabaho. [May iba] na sharp pa ang mind, kaya pang magtrabaho, maraming alam. So, ‘yung skills matching namin para makapagtrabaho pa ang senior citizen,” ayon kay Dra. Padilla.