Mas mababa ang naitatala nang kaso ng dengue sa rehiyon ng Mimaropa ngayong 2022 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Ito ang ibinahagi ni Al Patrick Aquino, Nurse V ng Department of Health Center for Health Development MIMAROPA sa ginanap na virtual presser nitong ika-23 ng Mayo.
Ayon kay Aquino, mas mababa ng 6.05% ang kaso ngayong taon na 528 kumpara sa parehong panahon noong nakaraang taon na nakapagtala mula January 1 hanggang May 13, 2021 ng 562 na kaso.
Ang probinsya ng Palawan ang may pinakamaraming kaso ng dengue kung saan may 204 na ang naitalang tinamaan at 1 ang nasawi. Sinusundan ito ng Oriental Mindoro na may 159 na kaso kung saan 2 rito ay nasawi.
May dalawa ring nasawi sa Occidental Mindoro na may 92 nang naitalang kaso. May 40 naman na kaso ng dengue sa Romblon at 33 sa Marinduque.
Sinabi ni Aquino na ngayong 2022 ay ‘dengue year’ kaya may posibilidad na tumaas ang kaso ng dengue ngayong taon.
“Ngayon po kasi, may pag-aaral po ang central office na every 3 years tataas talaga ang kaso natin ng dengue. This year, I believe is ‘dengue year’ so may posibilidad talaga na tumaas ang kaso natin ngayon kung tayo ay magpapabaya,” ayon kay Aquino.
Kaugnay nito, inatasan na ng DOH CHD Mimaropa ang mga ospital sa rehiyon na magkaroon ng dengue fast lane at ang intensified campaign ng 4S Kontra Dengue strategy. (PJF/PIA Mimaropa)