Susubukan ngayong May 10, isang araw pagkatapos ng eleksyon, ng Commission on Elections na makapagproklama ng mga nanalo sa iba’t ibang probinsya sa rehiyon ng Mimaropa.
Ito ang ibinahagi ni Comelec Mimaropa Regional director Atty. Jose Nick Mendros sa ginanap na press conference nitong umaga ng Martes.
Ayon kay Mendros, hindi sila makakapagbigay ng saktong oras o araw kung kailan makakapag-proklama sa iba’t ibang probinsya pero susubukan umano nila itong magawa ngayong araw.
“We will do our best to proclaim today. I can’t give you a timeline because ayaw ko na ikahon ang mga tao ko dahil magkakaroon yan ng pressure. But the assurances, we are doing our best to finish the proceddings today,” pahayag ni Atty. Mendros.
Paliwanag ni Atty. Mendros, kailangan munang makapagproklama ang mga munisipyo bago maiproklama ang mga nanalo sa provincial level.
Sa Romblon umano, 14 na sa 17 na Municipal Board of Canvassers ang nakapagproklama na ng mga nanalo.
Ito ang mga bayan ng Alcantara, Banton, Calatrava, Concepcion, Corcuera, Ferrol, Looc, Magdiwang, Odiongan, San Andres, San Jose, Santa Fe, Santa Maria, at San Agustin.