Mawawala na ang mga kaso ng atrasadong pasuweldo, pagkakait ng benepisyo, maanomalyang transaksyon, at iba pang isyung nakakaapekto sa pagbibigay ng pampublikong serbisyo-pangkalusugan kung si presidential candidate Panfilo ‘Ping’ Lacson na ang susunod na mamumuno sa Malacañang.
Pagtitiyak ito ni public health advocate at senatorial aspirant Dra. Minguita Padilla na nangakong itutuloy niya ang pagsusulong sa Senate Bill No. 2498 o ‘Magna Carta of Barangay Health Workers’ (BHW) na inihain nina Lacson at running mate niya na si Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III.
Inihayag ni Dra. Padilla at ng kapwa niya senatorial aspirant Emmanuel ‘Manny’ Piñol na sila ang magpapatuloy ng mga nasimulan nina Lacson at Sotto kung mahahalal sila bilang mga miyembro ng ika-19 na Kongreso sa Senado.
“Kasi wala na si Tito Sotto at si Ping Lacson (sa Senado). ‘Di ba, mag-pre-presidente na siya (Lacson). Ito naman (si Sotto) mag-bi-bise-presidente—sana—kami ang magiging senador. Kailangan may magpasa nitong batas (SB 2498),” sabi ni Dra. Padilla sa kanilang town hall meeting sa Argao, Cebu.
“Kami ni (dating Agriculture) Secretary Piñol, kung kami ay mauupo (bilang mga senador), siguradong-sigurado na ipaglalaban namin ang Magna Carta [of] BHWs. Sigurado ‘yon kasi kahit ngayon ipinaglalaban na namin,” dagdag pa ng batikang ophthalmologist at senatorial candidate.
Sa ilalim ng nasabing panukalang batas, sinisiguro ni Dra. Padilla na hindi maaapektuhan ng pulitika ang mga health worker, tulad ng mga nagsisilbi sa bawat barangay at iba pang malalayong rural health unit. Layunin din ng ‘Magna Carta of BHWs’ na mabigyan sila ng sapat na suweldo, dagdag na kakayahan, at iba pang benepisyo.
“Sinasabi namin sa lahat ng mga pulitiko [na] ang kalusugan ay dapat hindi mahalo sa pulitika. Okay? Dapat health should be beyond politics. So, kahit mag-iba ‘yung barangay captain—kahit hindi ka gusto ng barangay captain—tuloy pa rin ang iyong benepisyo, ‘di ba?” saad ni Dra. Padilla.
Kabilang sa mga adbokasiya ni Dra. Padilla para sa pampublikong kalusugan ang paghahanda ng bansa sa mga posible pang pandemya sa hinaharap na konektado rin sa plano ni Lacson sa pagbuo ng mga maagap na istratehiya at solusyon sa iba’t ibang mga krisis.
Ipinangako rin nina Lacson at Dra. Padilla ang ganap na pagpapatupad sa Universal Healthcare Act hindi lamang para sa mga BHW, ngunit maging sa publiko, lalo na ang mga mahihirap na Pilipinong umaasa sa gobyerno para masuportahan ang kanilang mga pangangailangang medikal.
“‘Pag Universal Healthcare Act, all 42,047 barangays will be covered; lahat ng health workers, may benefits; one hospital bed to 800 population; one RHU (rural health unit) for every 20,000 population [pero] ayaw pondohan. Sayang ‘yung batas,” sabi ni Lacson.
Sinabi rin ni Dra. Padilla na gusto niyang magamit ang makabagong teknolohiya sa pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, lalo na sa malalayong barangay, kung saan posibleng ipadala ang results ng mga medical test sa pamamagitan ng mga cloud storage facility upang makatipid sa pamasahe ng pasyente at ng mga healthcare worker.
“Maraming pwedeng gawin basta may political will at tama ang aming pananaw. At, again, ‘yung pera ng ating bayan ay mapunta sa atin at hindi sa bulsa ng kani-kanino man. ‘Yun ang importante, okay? So, don’t worry mayroon tayong [mga] plano pero kailangan manalo kami,” ani Dra. Padilla.